Mga bagong patakaran
DIYOS mio, ano ang magagawa mo kung ang piloto ng sinasakyan mong eroplano ay gusto nang magpakamatay, habang pinalilipad ang eroplano? Tila ito ang lumalabas na dahilan kung bakit biglang bumulusok ang Germanwings 9525 sa bundok ng French Alps noong Martes. Base sa imbestigasyon, tila itinago ng pangalawang piloto ang kanyang sakit. Nakita sa basurahan ng kanyang tahanan ang isang sulat na nagsasabing hindi siya karapat-dapat para magtrabaho. Hindi sinabi kung anong dahilan, pero malamang may kinalaman sa kanyang pag-iisip. Malinaw na itinago niya ang kanyang karamdaman dahil ayon naman sa kumpanya ng eroplano, pumasa siya sa kanilang pagsasanay, at wala ring indikasyon na may problema sa pag-iisip. Pero 17 araw bago ang trahedya, nagtungo pa ang pangalawang piloto sa clinic na kanyang pinupuntahan. Kaya malaking palaisipan ngayon para sa lahat, lalo na ang mga kamag-anak ng mga pasaherong namatay. Wala namang iniwan na sulat na nagpapaalam o umaamin sa kanyang ginawa.
Bakit nga naman dapat pang mandamay ng daan-daang tao? Ito ang tinatanong ng mga kamag-anak, na tila hindi makapaniwala sa pangyayari. Sino ba? Base sa cockpit voice recorder na nakuha na, maayos ang pag-uusap ng dalawang piloto, hanggang sa lumabas ang piloto ng cockpit. Dito na nagbago ang kanilang tadhana. Lumalabas na sadyang hindi na pinabalik ang lumabas na piloto, at binulusok ang eroplano sa bundok. Patuloy ang paghahanap ng mga sagot, pati na rin ang isa pang “black box” na makapagbibigay pa ng karagdagang impormasyon sa trahedya.
Ngayon pa lang ay may mga bagong patakaran nang ipinatutupad ang European Aviation Safety Agency. Hindi na pwedeng isang tao lang ang maiwan sa loob ng cockpit sa anumang oras. Sana nga ay magsunuran ang lahat ng airline, pati sa Pilipinas. At dahil sa trahedyang ito, kailangan mas lalo pang masiyasat ang pagpili ng mga piloto, at kailangan ding madalas na dumaan sa mga neuropsychiatric na eksaminasyon,para masigurong nasa tamang pag-iisip sa lahat ng oras. Ang nakikita kong problema lang dito ay pati mga personal na buhay ng mga piloto ay kailangan na ring malaman ng mga kumpanya, at maaaring dito makita kung may problema nang nag-uumpisa. Baka dito na umalma ang mga piloto, pero kung sa ikabubuti naman ng lahat, bakit hindi?
- Latest