Semana Santa
NGAYON ang simula ng Semana Santa na sumasariwa sa pagpapakasakit ni Panginoong Hesus. Ang sinumang nagbabalik-loob sa Kanya ay pinatatawad sa mga nagawang kasalanan.
Ito ang pinakadakilang araw upang magbalik-loob sa Panginoon. Ito rin ang isang linggo ng lubusang pagninilay sa ating kahinaan sa bagay na maka-lupa. Panahon ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Ito ang kabuuan ng 40 araw ng ating paghahanda sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Kaya sa buong daigdig ay nagkakaisa ang mga Kristiyano na magsisi bilang simbolo ng pagbabayad natin sa Panginoon.
Nagsisimula ang Semana Santa sa Linggo ng Palaspas. Ito ang simbolo ng tauspusong pagtanggap kay Hesus bilang ating tagapagligtas. Katulad tayo ng mga tao sa Jerusalem na sama-samang nagpuri sa pagdating ni Hesus. Osana, Osana sa Anak ni David at magpuri tayo sa Panginoon. Katulad sa mga Hudyo na nagpuri kay Hesus subalit nang dumating na ang Kanyang mga kaaway ay nabaliktad ang kanilang paniniwala. Tumaliwas sila kapagdaka at nakianib sa mga kaaway ni Hesus, kaya ang sinigaw nilang Osana, Osana ay napalitan ng Ipako, ipako Siya sa Krus!
Ang kasakiman sa salapi at kapangyarihan ay sumisira sa magkakamag-anak o pagkakaibigan. Isang kandidato ang nanalo sa pamumuno ng bansa, nais niyang ayusin ang napakalaking halagang pag-aari ng bansa subalit hindi natuloy matapos isakdal sa katiwalian dahil sa jueteng ng bayan. Ang jueteng ay talamak na sa Pilipinas panahon pa ng mga Kastila. Nanalo pa yata rito si Rizal. Napatalsik ang pinuno, napahinto ba ang jueteng? Pero yung napakalaking pagnanakaw sa bansa ay hindi na napag-ayos ninuman. Sagot: Tatlo po ang bola!
Isaias 50:4-7; Salmo22; Filipos2:6-11 at Marcos14:1-15, 47
- Latest