EDITORYAL - Hindi masolusyunan ang kahirapan
MARAMI ang humahanga kay Prime Minister Lee Kuan Yew, ang tagapagtatag ng modernong Singapore. Kaya nang mamatay siya noong Lunes, marami ang nagpaabot ng pakikiramay. Si LKY ang nagpaunlad sa Singapore. Umunlad din ang buhay ng mga tao. Maraming trabaho at walang nagugutom dahil maunlad ang ekonomiya. Hanggang ngayon, tinatamasa ng mamamayan ng Singapore ang mga ginawa ni Lee Kuan Yew.
Maraming nag-wish na sana ang Pilipinas ay ka-tulad ng Singapore. Sana. Pero malabong mangyari ang wish na ito. Unang-una na, walang malinaw na programa ang gobyerno sa paglutas sa kahirapan. Maraming naghihirap sapagkat walang maibigay na trabaho sa mamamayan. At kung walang trabaho, tiyak na marami ang magugutom. At kung marami ang nagugutom, mataas ang crime rate.
Sa latest Pulse Asia survey, 40 percent ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila satisfied sa ginagawa ng gobyerno kung paano malulutas ang kahirapan ng buhay. Wala pa ring pagbabago sa buhay ng mga dukha at lalo pa umanong nalulubog sa kumunoy ng kahirapan. May ginagawang paraan ang gobyerno gaya ng pagbibigay ng financial na tulong sa mga mahihirap na pamilya pero ito ay hindi garantiya na magpapabago sa buhay ng mga dukha, sa halip tinuturuan lamang na umasa at maging depende sa pamahalaan. Hindi na nagnanais magsikap at bagkus naghihintay na lamang ng babagsak sa kanilang bunganga.
Hindi magawa ng gobyerno na mapagaan ang pasanin ng mga mahihirap. Kahit na maraming beses nang nag-rollback ang petroleum products, ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay nananatili pa ring mataas. Walang makitang pagsisikap ang pamahalaan para mabigyan ng kagaanan ang maraming Pinoy na isang kahig, isang tuka.
Marami sanang mapagkukunan ng ikabubuhay sa bansang ito pero kulang ang pagsisikap ng gobyerno. Ang agricultural sector na maraming pagkukunan ng pagkakakitaan ay nakakaligtaan. Sa halip na tulungan ang mga magsasaka na kumita mula sa inaani, mas pinapaboran pa ang pag-iimport ng produkto – halimbawa ang bigas at sibuyas.
Hindi matatakasan ang kahirapan at kagutuman, dahil walang direksiyon ang gobyeno --- mali-mali ang daan.
- Latest