Tuloy pa rin
AYON sa AFP, ilang mga lugar na dating hawak ng BIFF pero ngayon ay kontrolado na ng militar dahil na rin sa kanilang walang tigil na opensiba ay ginawang gawaan ng mga bomba. Mga materyales tulad ng mga circuit boards at baterya ng cell phone, blasting caps at mga mitsa ang nakita ng mga sundalo. Maliban na lang kung may cell phone repair na tindahan ang mga BIFF. Patunay na kinakanlong nila ang mga kilalang terorista na gumagawa ng mga bomba, tulad nila Marwan at Basit Usman. Patunay na terorismo ang kanilang pinaka epektibong panlaban sa bansa. Bagama’t napatay si Marwan, si Usman ay kasalukuyang pinaghahanap pa.
Hindi raw mga terorista ang BIFF. Nakakatawa naman yata iyan, dahil na rin sa mga nadiskubreng kagamitan. Isipin na lang ang bilang ng inosenteng sibilyan na magiging biktima ng mga bomba na iyan kung hindi natigil ang kanilang paggawa. Mabuti na rin at napatay na si Marwan, na wanted naman sa buong mundo. Ang mahirap ay may mga tinuruan na rin sila Marwan at Usman, na dapat na ring mahuli.
Nagpahayag ang AFP na hindi sila titigil sa kanilang opensiba laban sa BIFF, at papayagan lamang makabalik ang mga lumikas na residente sa kanilang mga tahanan kapag siguradong hindi na babalik ang mga terorista. Marami na rin ang napaslang ng AFP na BIFF, pero hindi ito dahilan para tumigil o bawasan ang opensiba. Mas lalong paigtingin para tuluyan nang mawala ang BIFF. Gaganda lamang ang sitwasyon kapag wala nang kakayanan ang BIFF maghasik ng lagim sa rehiyon.
Mapapatupad na rin ng gobyerno ang mga proyekto para sa mga lugar na dating hawak ng BIFF, tulad ng paggawa ng mga tulay, paaralan, ospital at kalsada. Gaganda na ang buhay ng mga tao dahil mawawala ang mga nanggugulo ng buhay. Mawawala ang takot ng digmaan. Pero mas mapapabilis ang lahat ng mga magagandang planong ito, kung sisiguraduhin din ng MILF na hindi nila papayagang makapasok ang BIFF sa kanilang mga takdang lugar. Mas maganda kung wala nang matatakbuhan ang BIFF. Kung hindi sila tutulungan ng MILF, sino pa ang lalapitan nila?
- Latest