Alzheimer’s disease
WALA na sigurong mas malungkot, at mas masakit, kapag hindi ka na naaalala ng mahal mo sa buhay. Hindi alam kung sino ka, pangalan mo at ano ang relasyon mo sa kanya. Ganito ang dulot ng Alzheimer’s Disease, isang kundisyon kung saan tila nabubura ang lahat ng alaala ng isang tao dahil unti-unti nang nasisira ang utak. Bukod sa mga alaala, nawawala rin ang mga normal na kaalaman tulad ng lugar at oras at mga gawaing natural naman sa tao. Nakarinig na tayo ng mga sitwasyon kung saan nakalabas ang isang may Alzheimer’s ng bahay, at tuluyan nang nawala dahil hindi naman makabalik. Isang bagay na ikinatatakot nang lahat.
Marami ang may sakit na Alzheimer’s sa bansa. Ang mahirap pa, ang inaakalang “ulyanin” lamang ay maaari nang indikasyon ng sakit na Alzheimer’s. Ito ang unang problema na kaila-ngang tugunan. Kailangang malaman ang mga sintomas ng sakit, para mas makakilos nang maayos na tama para sa pasyente at sa pamilya. Ilan sa mga sintomas ay ang pagiging “ulyanin”. Mali ang akala na kasama sa pagkatanda ang pagiging ulyanin. Ang mga dapat bantayan ay ang mga impormasyon na nakakalimutan kaagad kahit kasasabi lamang. Tulad ng paghanap ng susi ng bahay o silid kung saan sinabi na kung saan, pero makakalimutan kaagad.
Isa rin sa mga sintomas ay ang paglimot ng mga pangkaraniwang gawain. Pagtimpla ng kape ay isang halimbawa. Kapag biglang “nalimutan” kung paano magtimpla ng kape, baka indikasyon na ito ng sakit. Nabanggit na nga ang hindi masabi ang oras at lugar. Hindi alam kung nasaan at paano nakarating. Ito ang isa sa mga nakakatakot na kundisyon ng Alzheimer’s, kaya mahalaga ang nababantayan ang mga may sakit sa lahat ng oras. At kapag nangyayari na ang mga sintomas na ito, lumalabas na rin ang pagbabago ng personalidad ng pasyente, kadalasan nagagalit dahil hindi na nga makatanda ng maraming bagay.
May mga gamot para sa mga sintomas ng Alzheimer’s. Pero ang pagbigay nito ay dapat binabantayan ng doktor. May mga pasyente na maganda ang resulta sa mga gamot, meron ding hindi. Ang katunayan ay walang gamot na tuluyang makakagaling sa Alzheimer’s. Ang mahalaga ay malaman kaagad kung nagkakaroon na nito, at nababago ang buhay para hindi naman malagay sa sakuna at peligro ang pasyente, pati na rin ang pamilya.
- Latest