EDITORYAL - Mahirap bang sabihing ‘sorry’
NOONG 1988, humingi ng paumanhin si President Ronald Reagan sa nagawa ng US na pagpapabagsak sa isang Iranian passenger jet sa Persian Gulf na ikinamatay ng 129 katao. Labis umano siyang nalulungkot sa nangyari.
Maski si President George W. Bush ay humingi rin ng paumanhin kay Iraqi Prime Minister Nouri al-Maliki dahil sa ginawa ng mga sundalong Amerikano na pagtudla sa Banal na Koran bilang bahagi ng sniper practice. Ganyan din ang ginawa ni President Barack Obama makaraang sunugin ng American soldiers ang Koran.
Nagpakumbaba ang mga Presidente ng US at humingi ng patawad sa nagawa ng kanilang mga tauhan. Ang kanilang pagtanggap ng pagkakamali ay nakasulat sa kasaysayan ng America at maaalala ng mga susunod pang henerasyon.
Noong Enero 25, 2015, nakaengkuwentro ng Special Action Force (SAF) commandos ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao habang tinutugis ang dalawang te-rorista na sina Marwan at Basit Usman. Napatay si Marwan subalit 44 ang nalagas sa SAF. Brutal ang pagpatay sa 44 at pinagnakawan pa.
Sa report ng Board of Inquiry (BOI), may kasalanan sina P-Noy, resigned PNP chief Dir. General Alan Purisima at sinibak na SAF commander Getulio Napeñas.
Ganito rin naman ang report ng Senado, may malaking responsibilidad si P-Noy kaya nangyari ang malagim na kamatayan ng SAF 44. Ayon kay Sen. Grace Poe, pinuno ng committee on public order may pananagutan si Aquino sapagkat siya mismo ang derektang nag-utos sa Mamasapano operation. Iniutos niya iyon kay Purisima sa kabila na suspendido na ito. Alam din umano ng Presidente na ang officer-in-charge ng PNP ng mga panahong iyon ay si Gen. Leonardo Espina. Inilihim kina Espina at DILG Sec. Mar Roxas ang operasyon. Sabi ni Poe, dapat mag-sorry ang Presidente. Kamakalawa, pinayuhan ni dating President Fidel Ramos na mag-sorry si P-Noy.
Pero sa kabila ng mga lumabas na report na si P-Noy ang may responsibilidad, walang naaninag na paghingi ng paumanhin mula sa Presidente.
Mahirap bang mag-sorry?
- Latest