Sindikato sa sibuyas rumaraket na naman
INUULIT ng sindikatong smuggling ng sibuyas ang raket nu’ng 2014. Nagpuslit na naman ito ng milyon-milyong kilo mula China at Europe. Punung-puno ang mga bodega. Resulta: ngayong tag-ani ng lokal na tanim, bagsak-presyo ang pagpakyaw nito mula sa mga magsasaka sa Central Luzon. Sa Nueva Ecija P10-P12 kada kilo lang ang farm-gate price ng white onion, at P7-P9 ang sa red onion, ulat ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag). Pero nananatiling mahal ang sibuyas sa palengke at supermarket: P35-P40 kada kilo.
Nagbabadya na naman ang krisis, babala ni Sinag chairman Rosendo So. Miski bagsak-presyo, walang pumapakyaw ng lokal na ani, kaya nabubulok, aniya. Pero nagka-cartel ang smugglers sa presyo ng pagsalya sa retailers. Inamin ng Customs bureau na ipinuslit ang sibuyas -- at bigas -- sa mga pier sa Visayas at Mindanao, ani So. Ganitong-ganito ang ginawa nu’ng nakaraang taon.
Dapat hindi bumaba sa P12 kada kilo ang pakyaw sa white onion, at P15 sa red onion, at hindi tumaas sa P25 kada kilo ang retail, ani So.
Iisa ang sindikato ng sibuyas, bawang, luya, at piling mga gulay. Ganid itong umangkat ng bawang nu’ng 2014 nang P12 kada kilo kaya, sa dagsa, bumagsak din sa gan’ung lebel ang pagpakyaw sa lokal na ani. Pero isinalya ito ng smugglers nang P320 kada kilo. Ang bentang tingi ay umabot sa P340 kada kilo.
Inimbestigahan ng Kongreso ang Dept. of Agriculture. Sinibak ng Malacañang ang hepe ng Bureau of Plant Industry na itinalaga ni Sec. Proceso Alcala -- pero pinanatili siya sa puwesto. Kataka-taka ito, dahil ipinagtanggol pa niya sa hearings ang mga smugglers.
Umani nang lokal na 134 milyong kilo ng sibuyas nu’ng 2013. Anang importers 8.5 milyong kilo lang ang inangkat nila. Pero nabisto ng Sinag na 11.5 milyon na ay mula sa China pa lang, 2.8 milyon pa mula Europe, at 629,000 mula India.
- Latest