Kasaysayan umuulit lang dahil gulo hindi nalulutas
TAON 1968 nang i-expose ni Sen. Ninoy Aquino ang Jabidah Massacre. Paglipol ito sa di-matiyak kung 15 hanggang 80 Tausug at Samal, edad 18-30, na recruits sa Jabidah special forces. Balak noon ni Pres. Ferdinand Marcos ipabawi sa commandos ang Sabah mula sa Malaysia. Sinanay niya sila sa Corregidor. Kaso, nag-mutiny sila sa kawalan ng pagkain at sahod, at pinagma-machinegun ng officers. Nakaligtas at nagsuplong ang dalawa. Hindi nagawa ni Marcos na ilihim ang masaker at sikilin ang balita.
Sa galit ng kabataang Moro, sumiklab ang secession. Lumaganap ang Moro National Liberation Front, hindi lang sa Basilan-Sulu-Tawi-Tawi kundi hanggang Maguindanao-Lanao. Inarmasan sila ng Malaysia. Libo-libo ang nasawi sa rebelyon. Nu’ng 1996 nag-political settlement ang gobyerno at MNLF. Hindi napayapa ang Muslim Mindanao. Malala pa rin ang karalitaan, kapabayaan, at kamangmangan. Nagpatuloy sa giyera ang breakaway Moro Islamic Liberation Front.
2015, sa Malaysia, isinusulong ni Pres. Noynoy Aquino, anak ni Sen. Ninoy, ang political settlement sa MILF. Isinalang niya sa Kongreso ang Bangsamoro Basic Law para dito. Pero binulabog ito ng Mamasapano debacle. Nasukol nga ni P-Noy si international terrorist Marwan sa gilid ng kuta ng MILF sa naturang bayan, pero 44 na Special Action Force commandos ang minasaker ng mga separatista, katulong ang breakaway pero kadugong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Galit ang tao. Pinananagot si P-Noy sa dalawang isyu: Pakikipag-peace talk sa MILF na kumakanlong ng terorista at nanlilipol ng ka-truce na government forces; at pagpapaubaya ng maselang Mamasapano raid sa kaibigang suspendidong PNP chief Alan Purisima. Lumala ang isyu dahil sa dalawa ring isyu: Pag-isnab niya sa pagdating ng mga bangkay ng SAF-44 sa Maynila at pagsusungit sa mga naulila; at paglilihim ng tunay na kaganapan at pagbabali ng Congress inquiry. Nilalabanan ni Sen. Bongbong Marcos, anak ni Pres. Ferdinand, ang paglilihim at BBL.
- Latest