EDITORYAL – Isa-isa nang lalaya?
MAG-AANIM na taon na ang malagim na Maguindanao massacre kung saan, 58 katao (30 rito ang mamamahayag) ang walang awang pinatay at sama-samang inilibing sa hukay. Kung gaano katagal ang kaso, ganoon na rin kahaba ang pagkakakulong ng mga akusado na kinabibilangan ng mag-aamang Ampatuan at maraming iba pa. Kaya ganoon na lamang ang pagkagimbal ng mga kaanak ng biktima ng Maguindanao massacre nang makalaya ang isa sa mga akusado noong nakaraang linggo makaraang makapagpiyansa.
Hindi makapaniwala ang mga kaanak ng mga biktima sa desisyon ng judge na palayain si Sajid Islam Ampatuan makaraang maglagak ng P11.6 milyon. Malaya na ang akusado at nangangamba ang mga kaanak na maaaring may susunod pang lalaya makaraang magpiyansa. At magigising na lamang sila na nakalaya nang lahat ang mga akusado.
Ang nakalaya ay anak ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., principal suspect sa massacre noong Nob. 23, 2009. Bukod sa matandang Ampatuan, dalawa pang anak nito ang akusado at nakakulong.
Hinarang ang mga biktima at saka walang awang pinagbabaril. Hindi pinatawad kahit ang mga babae na mayroon pang buntis. Nasa 300 ang mga suspect sa pagpatay at karamihan ay hindi pa nadadakip. Ang mga witness sa massacre ay isa-isang pinapatay.
Maraming katanungan sa paglaya ng akusadong si Sajid. Napakalaki ng kanyang piyansa at maitatanong kung saan nanggaling ang malaking pera gayung ang Maguindanao ay isa sa mga pinakamahirap na lugar sa rehiyon. Nakapagtataka na mabilis silang makapaglabas ng pera para pampiyansa.
Bagama’t hindi pinayagan ng korte na makalabas ng bansa si Sajid, marami naman ang nangangamba na makalaya rin ang iba pa at muling makalahok sa 2016 elections. May mga naka-pending na bail petitions ang mga akusadong Ampatuan. Kung naaprubahan ang bail ng isa, posibleng mangyari sa iba pa. Kapag nangyari ito, marami ang mawawalan ng tiwalang may hustisya pa sa bansang ito. Walang imposible kapag pera na ang nangusap. Puwedeng makalaya kahit ang kaso ay napakabigat.
- Latest