Sigurado maraming mahuhuli, pero…
NAGSIGAWA ng pag-testing ang LTO ng kanilang mga bagong dating na breath analyzers. Ang kagamitang ito ay makakadiskubre mula sa hininga ng tao kung gaano na karami ang nainom na alak. Kapag lumagpas na sa legal na lebel, lasing na ang turing sa kanya at hindi na dapat nagmamaneho ng sasakyan, batay na rin sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013. Dahil sa kagamitang ito, hindi na dapat pumasa ang palusot na “naka-isang bote lang”.
At may nahuli kaagad ang mga taga-LTO. Isang nagmomotorsiklo ang pinahinto ng mga otoridad dahil hindi naka helmet. Nang gamitin ang breath analyzer sa kanya, positibo siya sa alak. Pero dahil dry-run lang, hindi siya hinuli at binigyan lamang nang babala. Hindi ba dapat hinuli na rin? Paano kung maaksidente,o mas masama, maka-aksidente ng iba?
Mabigat na ang parusa kapag nahuling nagmama-nehong lasing. Pwedeng makulong ng tatlong buwan, at multa sa halagang P20,000. Maaari ring masuspindi ang lisensya ng anim na buwan hanggang isang taon, kung hindi sangkot sa aksidente. Kung nasangkot sa aksidente, mas mabigat pa ang parusa. Sinimulan ang opisyal na paggamit ng mga breath analyzer noong Huwebes.
Nakasisiguro ako na maraming mahuhuli ang mga bagong breath analyzer. Ang nakikita kong problema ay kung gaano kahigpit ang mga gagamit nito. Kapag nahuli ba ay wala nang lusot, o may paraan pa rin para pabayaan na lang? Alam na ninyo ang tinutukoy kong kaugalian. Nakikita ko na ang mga magbabanggit ng mga padrino, mga kilala sa gobyerno, mga mayayaman na idadaan sa lagay. Di kaya dapat may video ang mga manghuhuli tulad ng ibang bansa, para may rekord ng mga dadaan sa breath analyzer? Para makita ang resulta kung pasado o bagsak.
Dapat malaman din kung may epekto ang ilang mga pantago ng amoy ng alak sa mga breath analyzers, tulad ng mga breath freshener, menthol na kendi, chewing gum, kape at kung ano pa. Alam ko walang epekto ang mga iyan pero mabuti na ang sigurado. Magaling ang Pinoy, ika nga.
- Latest