EDITORYAL - Dapat magsalita na si Napeñas
SI sinibak na SAF Director Getulio Napeñas ang may kasalanan nang lahat kaya napahamak ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao. Walang dapat sisihin kundi siya at wala nang iba.
Nang magsalita si President Noynoy Aquino noong Pebrero 5, sinabi nito na matagal nang nakadestino si Napeñas sa Mindanao kaya dapat alam niya ang mga mangyayari sa bawat sandali. Ayon pa sa Presidente, bilang commander, si Napeñas ang nakakaalam ng kabuuang plano, at sa mga panganib na dala nito. Si Napeñas daw ang unang nakakaalam kung naipapatupad ito nang tama.
Pero hindi pala iyon ang huling pagsasalita ng Presidente ukol kay Napeñas. Nang magsalita siya noong Lunes sa mga miyembro ng Jesus is Lord (JIL) at Church of God International sa Malacañang, muli niyang sinisi ang sinibak na commander ng SAF. Nabola umano siya ni Napeñas. Hindi raw sinunod ni Napeñas ang plano. Hindi rin ito nakipag-coordinate sa military. Binigyan din daw siya ng maling impormasyon. May mga sariling pagpapasya raw si Napeñas na wala sa mga plano. Hindi raw iyon ang napag-usapan nila sa meeting na ginawa sa Malacañang noong Enero 9, 2015.
Kung magsasalita pa uli si P-Noy ukol kay Napeñas, durog na durog na ang mama. Nakapagtataka naman kung bakit ayaw pang magsalita si Napeñas sa mga totoo pang nangyari noong Enero 25. Bakit hinahayaan niyang siya ang madikdik gayung ang “Oplan Exodus” ay pinlano kasama si dating PNP chief Alan Purisima at iba pang police general. Malinaw naman ang sinabi niya na lahat nang aksiyon niya ay sinasangguni kay Purisima. Maski nga ang order na paglilihim kay DILG Sec. Mar Roxas at PNP OIC Deputy Dir. Leonardo Espina ay galing kay Purisima. Pero walang sinisisi kundi siya. Walang iba kundi siya.
Dapat magsalita na si Napeñas para malaman ang buong katotohanan. Ito ang hinihintay ng mamamayan. Siya lamang ang tanging makapaglilinis sa sarili makaraang ilublob sa kumunoy ng kontrobersiya.
- Latest