Ang presyo ng asenso
KINUNSULTA ako ng aking anak tungkol sa isang paper na isusubmit sa kanyang high school class. Ang paksa ay tungkol sa pagbabago sa komunikasyon mula dekada 80 hanggang sa ngayon.
Teenager ako noong 1980s. Nang mag-umpisa ang dekada, wala pang mga cell phone o cable tv o mga portable computer. Hindi pa pumuputok ang internet. Kung nais namin makipag-usap sa kaibigan, maghahanap ng telepono o payphone at saka lang makakatawag. Lalo na kung ika’y nasa probinsiya at gusto maglong distance or overseas call – kailangang maghanap ng PLDT office na may mga booth para lamang sa ganitong tawag. Ang mga telepono ay malalaki at nakadikit lahat sa dingding. Di tulad ngayon na kasya sa bulsa. Ang mga computer ay kasing laki ng TV at nakakabit din sa saksakan. Di gaya ngayon na bitbit lang sa kamay. Ang mga TV ay malaki rin. Ngayon kahit telepono ay may TV. Ganyan ang ginhawang hatid ng teknolohiya.
Ang isang bagay na nilinaw ko sa aking anak ay kahit na mukhang napapadali ng teknolohiya ang ating buhay, malaking halaga rin ang binabayad ng lipunan dito. Kung umasenso man tayo ay hindi rin masukat na pag-atras ang nangyari sa ibang mahalagang larangan, lalo na sa ating mga relasyon at sa pakikipagkapwa.
Sino ang hindi makapapansin na sa loob at labas ng bahay, ang pinakamatagal mo nang kausap ngayon ay ang iyong gadget – maging telepono, ipad o media player? Kung dati ay may mga patakarang sinusunod ang tao sa komunikasyong personal, ngayon ay hindi na gaano marunong ang bagong henerasyon. Mas kumportable pa nga silang nakikipagusap sa text o sa facebook chat kaysa sa face to face communication.
Malaking impact sa atin ang progreso. At dahil hindi ito matanggihan, mahirap din pigilan ang pagkawala ng mga ugaling napapag-iwanan dahil dito.
- Latest