Ang mahusay na leader
ANG katangian ng isang mahusay na leader ay galante siyang pumuri sa mga nasasakupan niya sa harap ng tagumpay ngunit sa panahon ng kabiguan ay marunong siyang umako ng pagkakamali. Command responsibility.
Kapag ang pinuno ay naghuhugas ng kamay sa mga kamalian ng kanyang liderato at ibinubunton ang sisi sa mga tauhan niya, wala sa kanya ang kuwalipikasyon ng matinong leader.
Noong una, ang sinisi ni Presidente Aquino sa pumalpak na operasyon sa Mamasapano ay ang nagbitiw na PNP Chief na si Alan Purisima. Aniya, sinubuan daw siya ng mga kasinungalingan ng kanyang matalik na kaibigang si Purisima kaugnay ng insidenteng kumitil sa buhay ng 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF).
Kamakalawa naman, sa kanyang pakikipag-usap sa mga religious leaders sa pangunguna ni Jesus Is Lord leader Bro. Eddie Villanueva, ang tahasang tinuligsa niya at sinisi ay ang nagbitiw na SAF Chief na si Getulio Napeñas.
Aniya, niloko siya ni Napeñas sa pamamagitan ng mga maling impormasyon habang nagaganap ang operasyon ng SAF para dakpin ang international terrorist na si Julkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ang ipinagtataka ko lang, bakit nasa serbisyo pa sina Napeñas at Purisima sa bigat ng kanilang kasalanang lokohin ang commander in chief? Pati ang kabuuan ng Philippine National Police (PNP) ay nasasakripisyo. Wala pang nahihirang na permanenteng Hepe dahil hindi pa tuluyang nagreretiro si Purisima bagamat nagbitiw na sa pagiging Chief PNP?
Tuliro ang Presidente at hindi malaman ang dapat gawin sa harap ng malaki niyang pagkakamali. Hindi pa rin niya maipaliwanag kung bakit si Purisima ang nagmando sa pumalpak na operasyon gayung nagbitiw na ito sa pagiging hepe ng PNP.
Pati ang resulta ng imbestigation ng Board of Inquiry sa insidente ay hindi nailabas tulad ng itinakda kamakalawa matapos itong pasadahan at pag-aralan ng Pangulo. Palagay ko, mas pupurihin ang Pangulo kung buong pagpapakumbaba siyang aamin sa pagkakamali at hihingi ng tawad sa taumbayan.
- Latest