‘Isang tawag ka lang’
ANG PAGKAKA-ALAM KO mahigpit ang mga kumpanya kapag ang pinag-uusapan ay pagpapaseguro ng buhay ng tao.
Kapag naging maluwag sila ay darami ang kukuha kapag alam nila na tagilid ang bangka at maari na silang lumubog anumang sandali.
“Kahit isang pirma ko hindi makikita sa dokumento. Hindi ko din nakaharap ang ahente. Lahat ng impormasyon tungkol sa ‘kin alam na nila kaagad,” sabi ni Lito.
Isang tawag ang natanggap ng 56 na taong gulang na si Hipolito “Lito” Sebastian Jr. mula sa Malayan Insurance.
“Kwalipikado po kayo para kumuha ng insurance at mga benepisyo nito dahil maayos kayong magbayad sa inyong credit card,” sabi ng nakausap niya.
Taong 2003 nang siya ay magretiro. Dalawang milyong piso ang nakuha niya bilang ‘retirement pay’. Naubos lang ito sa pang-araw araw nilang pangangailangan.
“Nung nagtatrabaho ako nag-apply ako ng credit card pero hindi ako naaprubahan. Ngayong wala na akong regular na kinikita saka naman ako naging kwalipikado,” pahayag ni Lito.
Isa sa bangkong hindi siya nakakuha ng credit card ay ang RCBC Bank. Nagulat na lamang siya nang may dumating na card.
Nag-aahente si Lito ngayon sa lupa kaya siya kumikita. Kapag may nabebenta lagpas minimum ang binabayaran niya sa credit card ngunit kapag wala sinasakto niya lang sa minimum.
Ika-14 ng Enero 2015 nang may tumawag sa kanyang taga Malayan Insurance na si Neil Villas.
Inalok siya nito at ipinaliwanag sa kanya ang ilang benepisyo kapag kumuha siya ng insurance. Limang libong piso ang matatanggap kapag naospital at kapag naaksidente naman at namatay ay Php100,000.
Pili lang din daw ang mga kwalipikado sa ganitong benepisyo.
Labing anim na libong piso ang kabuuang halaga nito. Php1,406 naman ang hulog bawat buwan.
“Nagtanong ako kung sakaling maghulog na ako ng tatlong buwan pagkatapos ay umayaw na ako pupuwede ba yun? Sabi nila Oo raw basta tumawag lang ako sa hotline,” ayon kay Lito.
Ilang araw ang nakalipas naisip ni Lito na hindi yata maganda ang alok sa kanya. Sa halip na ipambili ng pagkain ang pera ay kailangan niya pang ihulog sa Malayan.
Hindi din naman daw siya nagkakasakit at magagamit niya lang ang insurance makalipas ang isang taon.
“Apat na araw lang ang nagdaan tumawag na ako sa kanila nakausap ko si Flor Nolasco at ipinaalam kong magba-back out na ako,” pahayag ni Lito.
Kailangan daw muna niyang magbayad ng isang taon bago siya magback-out. Ilang beses sinubukan ni Lito na makipag-usap sa Malayan ngunit pare-pareho lang ang sagot nito sa kanya. Mas minabuti niya nang gumawa ng sulat na hindi niya na itutuloy ang pagbabayad. Dinala niya ito sa opisina ng RCBC ngunit hindi ito tinanggap doon.
Bilin sa kanya tumawag na lamang daw siya sa Customer Service Hotline ng Malayan.
Inaalala ni Lito na baka pagdating ng kanyang babayaran sa credit card ay kasama na rito ang ihuhulog niya sa Malayan Insurance kaya siya nagsadya sa aming tanggapan.
Pinayuhan namin si Lito na ipa-registered mail na lamang ang sulat upang siguradong bumagsak sa opisina ng RCBC o Malayan. Matapos magawa ang aming sinabi nagbalik siya sa aming tanggapan dahil sa natanggap na sulat.
“Naghulog ako ng sulat sa post office noong Enero 27, 2015. Kinabukasan may natanggap naman ako mula sa Malayan Insurance na confirmation kung magkano ang babayaran ko bawat buwan,” ayon kay Lito.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Lito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pag-aapply ng credit card kalimitan may policy na ibinibigay yan na kailangan mong pirmahan. May mga requirements na kailangan mong kumpletuhin at aalamin pa kung may kapasidad ka bang magbayad ng uutangin mo.
Kapag ikaw ay kukuha ng insurance, kadalasan padadalhan ka nga ng doktor para i-check up at sakaling matigok ka meron silang tinatawag na ‘contestability period’ na kung minsan umaabot ng isa o dalawang taon.
Ang ibig sabihin nito na pwede kang hindi mabayaran dahil aayawan ka nila at sasabihin na may sakit ka na nung magpa-insure.
Malinaw na lumalabas din na ka-tie up ng RCBC ang Malayan Insurance na alam na kaagad ang impormasyon at numero ng credit card ni Lito.
Dapat siguro imbestigahan ito dahil malamang na nakakuha ng mga detalye tungkol sa ‘savings account’ ang Malayan na galing naman sa RCBC.
Ano na ang nangyari sa ating batas na tinatawag na ‘Bank Secrecy Law’. Maaring may paglabag na nangyari rito ang RCBC.
Para maliwanagan kami tungkol sa usaping ito tinawagan namin ang RCBC bank. Nakausap namin sa Customer Care si Ace de Jesus at inamin niyang maaari ngang maaprubahan ito sa telepono lamang.
Tumawag din kami sa Malayan, sabi nila hindi raw ito sapilitan. Kapag hindi pumayag ang tao ay hindi naman ito maeenroll. Ang inavail daw na Insurance ni Lito ay sa loob ng isang taon niya kailangang bayaran. Hindi din daw sila maaring magbigay ng ilan pang detalye sapagkat ang miyembro lamang ang kakausapin nila.
Hindi kaya ito isang uri ng ‘pressure selling’ para maka-likom ng mas malaking income para sa bangko gamit ang ‘insurance company’ na ito? Ganun na ba ka agresibo ang Sistema ng inyong ‘marketing department’?
Sa pinakabagong balita tungkol sa kasong ito, tinawagan si Lito ng Malayan insurance at nakarating daw sa kinauukulan ang kanyang problema. Bababaan na raw nila ang dapat bayaran ng bawat buwan ng Php737.00 ngunit nagmatigas si Lito na hindi niya na ito itutuloy.
Nitong nakaraang Pebrero 11, 2015 nagsadya sa opisina ng Malayan si Lito at sinabing ititigil na ang pagbabayad ng insurance ngunit kailangan niyang magbayad hanggang Abril 2015.
Kung totoo nga ito hindi din magagamit ni Lito ang kanyang insurance kaya’t anong silbi ng paniningil sa kanya?
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest