Recall elections sa Puerto dapat lang
NOONG Mayor pa ng Puerto Princesa si Edward Hagedorn ay pangunahing tourist destination ang siyudad. Malaki ang bilang ng mga commercial flights dahil sa volume ng mga turistang nagtutungo sa Puerto Princesa. Wala ring naitalang malulubhang krimen sa lungsod sa pamumuno ni Mayor Hagedorn.
Si Hagedorn ang nagpunyagi para mapaunlad ang turismo sa Puerto Princesa na napabantog dahil sa underground river, na kabilang na sa New Seven Wonders of Nature.
Tumakbo sa pagka-senador si Hagedorn bilang independent candidate pero suportado ng Ticket ng partidong Bangon Pilipinas kasama si Bro. Eddie Villanueva kaya iba na ang naging alkalde sa Lungsod. Sayang nga lang at hindi nakapuwesto man lang ang partido ni Bro. Eddie dahil sa umano’y lantarang “high-tech” dagdag-bawas gamit ang mga suspetsosong PCOS machines.
Kung gaano kabilis ang pag-unlad ng Puerto Princesa ay siya ring bilis ng pagbagsak sa kalagayan ng lungsod nang mabago ang liderato. Napabayaan ang industriya ng turismo at nabawasan ng napakalaki ang bilang ng mga bumibiyaheng eroplano doon.
Balita ko, mayroon na ring mga “riding-in-tandem” criminals sa lungsod na noong araw ay wala. Ito ang dahilan kung bakit nagpetisyon ang mga taga-Puerto na magkaroon ng recall elections laban kay Mayor Bayron na inaprobahan na ng COMELEC pero tinututulan naman ni Bayron.
Kesyo mga fictitious daw ang mga pangalan ng mamamayan na lumagda sa petisyon. Natural lang na umalma nang ganoon si Bayron dahil siya ang nakaupong alkalde. Pero naniniwala akong balido ang reklamo ng mga kababayan natin sa Puerto Princesa dahil sa mga dahilang nasabi ko na.
Hindi batid ng marami na si Hagedorn ay isa lang sa iilang kandidato na hindi tumatanggap ng donasyon dahil alam niya na kung mananalo siya’y tatanaw siya ng utang na loob sa mga financial supporters. Sariling pera ang ginagamit sukdulang magsangla siya ng ari-arian.
Ang lahat ng kanyang ari-arian ngayon ay naisangla sa Banco Filipino na minalas na ipailalim sa receivership ng Banko Sentral kaya hindi na niya matubos ang kanyang mga ari-arian. Naniniwala ako na kailangan talaga ang recall elections sa Puerto Princesa.
- Latest