EDITORYAL – Mga batang lansangan, naglipana na naman
NASAAN na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)? Mula nang umalis si Pope Francis sa bansa noong Enero 19, wala nang narinig sa tanggapan ni Sec. Dinky Soliman. Nasaan na nga ba ang DSWD? Naging mainit na usap-usapan noon ang DSWD nang biglang mawala ang maraming street children sa daraanan ng convoy ni Pope Francis. Nasaan na sila? Yun pala, dinala ang mga bata sa isang resort sa Batangas – sa Chateau Royale, at doon binigyan ng pagkain, damit, laruan at kung anu-ano pang kailangan nila. Ang nagdala sa Batangas ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Inamin naman ng DSWD na taun-taon ay dinadala nila ang mga batang palaboy at kanilang pamilya sa beach resort. Pero nagkataon lang ba na eksakto sa pagdating ng Papa ang pagbibigay ng treat sa resort?
Wala namang masama sa ginawa dahil pinaligaya ang mga bata at kanilang mga magulang. Ang masakit, pagkaraan ng “outing” ay balik naman sa kalye ang mga bata at pati mga magulang. Namutiktik sa mga batang kalye at pulubi ang mga kalsadang dinaanan ng Santo Papa.
Parang tinapalan lamang ng band-aid ang bahaging may sugat at pagkatapos ay balik na naman sa dati. Wala bang permanenteng solusyon ang DSWD sa mga batang kalye. Kapag may mga diplomat na darating sa bansa, itatago ang mga batang kalye at pulubi. Kakahiya raw sa mga makakakitang dayuhan.
Noong isang araw, sinabi ng DSWD na nabawasan na raw ang mga batang palaboy at pati na mga pamilyang nasa kalye. Ito raw ay dahil kabahagi sila sa conditional cash transfer (CCT) program ng gobyerno. Ayon kay Soliman, bilang kabahagi ng CCT, nire-relocate ang mga palaboy sa isang government housing at tinuturuan ang mga ito na kumita o magnegosyo at mamuhay nang marangal.
Pero tila mali ang info ng DSWD na nabawasan na ang mga palaboy sa kalye. Sa totoo lang, lalo pang dumami ang mga pamilyang nasa kalye. Pasyalan sana ni Sec. Soliman ang likod ng Post Office sa Maynila, tabi ng Ilog Pasig at makikita niya roon ang maraming pamilya na piniling doon na manirahan. Kailangang makita ni Soliman ang katotohanan.
- Latest