EDITORYAL- Kawawang mamamayan na di-nakatikim nang mababang bilihin
SUNUD-SUNOD ang rollback ng produktong petrolyo noong nakaraang taon (2014). Nag-rollback ng P13 ang gasoline at P15 naman ang diesel. Natuwa ang mga may-ari ng public utility vehicle dahil kumita sila. Nagbaba ng 50 sentimos na pasahe sa dyipni pero sa bus at taxi ay hindi nag-rollback. Kasalanan ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi umaksiyon para mapababa ang pasahe sa bus at taxi. Tiniis ng pasahero ang dati pa ring pasahe at ang nagpasasa lamang ay ang mga operator dahil sa malaking ganansiya.
Ngayo’y umaarangkada na naman ang sunud-sunod na pagtaas ng gasoline at diesel. Mas mabilis magtaas kaysa mag-rollback. Pinatikim lamang ang mga motorista sa malakihang rollback noong nakaraang taon at agad nang binawi ngayon. Nakakatatlong oil price hike na sa taong ito. Kung bigtime ang pag-rollback, mas bigtime ang increase na umaabot sa mahigit P2. Kaya kung gaano kalaki ang rollback, doble naman sa increase.
Hindi lamang LTFRB ang kukupad-kupad sa pagpapatupad ng pag-rollback ng pamasahe, mas makupad ang Department of Trade and Industry (DTI) na ang nai-rollback lang na presyo ay para sa noodles, kape at asin. Ano bang klaseng tanggapan ito na mabagal magpatupad ng pagrollback sa pangunahing bilihin.
Hindi ba nararamdaman ng DTI na maraming Pilipino ang naghihigpit ng sinturon at kulang na lamang ay huwag kumain dahil sa pagtitipid. Hindi kasi magkakasya ang karampot na kinikita. Wala na bang pakiramdam ang DTI sa mga kababayang mahihirap na nagba-budget? Wala na bang paki sa nararanasang kahirapan ng buhay sa kasalukuyan?
Ni hindi nagbago ang presyo ng sardinas at bigas. Dapat ang dalawang produktong ito ang ibinaba ang presyo sapagkat pagkain ito ng mga karaniwang mamamayan.
Ngayong sunud-sunod na naman ang oil price increase, malabo nang maibaba ang mga pangu-nahing bilihin at pasahe. Sisihin ang DTI at pati LTFRB. Kawawa ang mamamayan na hindi nakatikim nang mababang bilihin.
- Latest