EDITORYAL - Pati sa trapik, walang koordinasyon huh!
HINDI lamang sa Mamasapano clash nawala ang koordinasyon, maski sa re-routing ng trapik noong Miyerkules ay hindi ito naipatupad kaya ang nangyari, nagkabuhol-buhol ang trapiko at maraming motorista at pasahero ang nagpuyos sa galit. Naubos ang kanilang oras nang mabaon sa grabeng trapik sa EDSA. Halos walang galawan mula Santolan hanggang Ortigas sapakat isinara ang bahaging iyon ng EDSA para sa paggunita ng ika-29 na anibersaryo ng EDSA people power. Maraming na-late sa trabaho dahil hindi naman dineklarang holiday para sa mga empleado at tanging mga school lamang ang walang pasok.
Maraming nagmumura sa galit sapagkat hindi nila inaasahan ang ganoon kabigat na trapik. Bakit wala man lang paalala o advisory ang mga kinauukulan na magkakaroon ng rerouting sa EDSA. Hindi pinadaanan ang flyover sa Santolan at sa halip ay pinadaan sa ibang ruta na naging dahilan para magkabuhul-buhol ang trapiko. Pinalala ang trapik nang mga naghambalang na bus sa Cubao. Wala nang pakialam kung maging malaking parking lot ang EDSA dahil sa walang disiplinang pagparada na halos nilamon na ang halos lahat ng lane.
Sabi naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Linggo pa lamang ay nag-abiso na sila na magkakaroon ng re-routing sa bahagi ng EDSA particular sa tapat ng Camp Crame at Camp Aguinaldo hanggang sa EDSA Shrine sa Ortigas. Hindi raw sila naging iresponsable gaya ng mga sinabi ng mga galit na motorista. Sabi pa ng ilang motorista, nawala na naman ng koordinasyon kaya nagkaroon na naman ng pagkabuhul-buhol. At ang matindi pa, walang traffic enforcers na nagmamantini ng trapiko.
Sumablay na naman ang pamahalaan kaya nagdusa ang mamamayan sa trapiko noong Miyerkules. Bilyong piso ang nauubos dahil sa trapik. Sana, idineklara nang holiday sa lahat ang Pebrero 25 para wala nang nagdusa sa trapik. Kung walang pasok ang mga empleado, walang matatrapik. Walang magmumura at babatikos sa pamahalaan. Nagkamali na naman kagaya ng nangyari sa Mamasapano. Kailan nga ba matututo ang administrasyon?
- Latest