Gen. Purisima isinakripisyo
SABAGAY wala nang mawawala kay General Alan Purisima dahil magreretiro na siya. Kaya kesehodang siya ang buntunan ng lahat ng sisi sa naganap na masaker sa 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) sa Mamasapano, Maguindanao.
Noong una ay si Gen. Getulio Napeñas (sinibak na hepe ng PNP-SAF) ang umako ng lahat ng kapalpakan. Hindi kuntento ang taumbayan. Gusto nila na si Presidente Noynoy mismo ang papanagutin sa madugong insidente. Marami ang nagprotesta at nanawagang magbitiw na sa tungkulin si PNoy. Kaya siguro, kahit matalik niyang kaibigan si Purisima, wala nang magagawa ang Pangulo kundi ang ilaglag na siya.
Nakipagpulong sa Malacañang ang Pangulo sa mga Mambabatas ng Mababang Kapulungan para himukin ang mga ito na huwag bumitiw sa pagsuporta sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na nabitin dahil sa madugong insidente. Balita natin, ang susunod na pupulungin ay mga Senador naman.
Pakiramdam daw ng Pangulo na tinraydor siya ni Purisima dahil sa mga kasinungalingan ibinahagi sa kanya habang nagaganap ang enkuwentro ng SAF sa mga elemento ng MILF.
Si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez mismo ang nagsabi na sa bibig mismo ng Pangulo nanggaling na hindi lang misleading ang ginawa ni Purisima sa kanya kundi nagsinungaling pa ito. Matalim na mga pananalita ng Pangulo laban sa kanyang kaibigang karnal, di ba? Naroroon hindi lamang mga Kongresista kundi mga kasapi ng gabinete ng Pangulo.
Dalawang bagay ang nais isalba ng Pangulo sa tingin ko: Una ang kanyang sarili na masyado nang dumaranas ng tuligsa ng bayan at; ang BBL.
Sa kabila kasi ng insidente sa Mamasapano, ipinaglalaban pa rin ng Pangulo na ang BBL ay maisabatas at mabigyan ng awtonomiya ang Mindanao sa pangunguna ng MILF. Kahapon, sa pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nagwarning pa ang Pangulo na titindi ang gulo sa Mindanao kapag ibinasura ang BBL.
Tayo ba’y talagang hawak na sa leeg ng MILF?
- Latest