^

PSN Opinyon

‘Tinisod ng Tsinelas’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

LUBID lang sa gitara ang unang tinitipa niya. Ilang sandali, basag na tunog ng naglalagatukang buto na niya ang narinig.

Bali sa paa, kayod na hita, uka sa puson malapit sa ari, tapyas na balat sa kanang pisngi. Putok din ang bibig hanggang ilong at may mga lamat sa bungo.

Ito ang grabeng pinsalang tinamo ng 16 anyos na si Pocholo Posadas o “Poch” bago sumapit ang bisperas ng Pasko sa kalye ng West Bank Road, Maybunga, Pasig.

“Sinundo siya sa bahay ng kaibigan niya para magpaturo mag-gitara.  Sa Rain Forest Park sila pupunta kung saan naghihintay ang ilan pa niyang kaibigan,” sabi ng ama ni Poch.

Nagsadya sa aming tanggapan ang mag-asawang Brix at Nadelia “Nadel” Posadas, residente ng Maybunga, Pasig City para ikwento ang sinapit ng anak na si Poch matapos itong magulungan ng isang 10-wheeler truck.

Panganay si Poch sa dalawang anak nila Brix. Nakapagtapos siya ng hayskul sa Arellano University, Pasig. Pumasok siya sa Bible School sa Rotonda, Pasig---sa Community Bible College.

“Huminto sa pag-aaral ang anak ko dahil gusto niya sa isang regular school. Computer Science ang kursong kukunin niya,” ani Brix.

Buwan ng Nobyembre ng tumigil si Poch sa Bible Schooling. Namalagi siya sa bahay. Pagku-computer at pagigitara ang kanyang pinagkaabalahan.

Ika-23 ng Disyembre 2014, bandang 11:30 ng umaga, habang nasa bahay dumating ang kanyang kaibigan at klasmeyt nung hayskul. Inaya siyang magpunta sa park para magpaturo mag-gitara. Ilang sandali, bumalik sa bahay ang kaibigan ni Poch at sinabing dinala nila ito sa Pasig City General Hospital.

Naabutan nila sa ‘emergency room’ ang anak, duguan, puro sugat sa paa, hita, mukha at natungkab din ang laman nito sa puson, malapit sa kanyang ari.

“Nahirapan sa pag-ihi ang anak ko… Sumailalim din siya sa CT Scan at nakitang may mga lamat ang kanyang bungo…” pagsasalarawan ni Brix.

Kwento ni Poch at kaibigan nito, naglalakad sila sa West Bank Road, malapit sa gate ng Eusebio Bliss papunta Rainforest ng huminto ang isang 10-wheeler truck at sa tabi nila umandar. Bigla raw itong lumiko matapos iwasan ang isang traysikel na pasalubong. Umilag si Poch na noo’y nasa likuran subalit nakain ng gulong ang tsinelas niya.

“Sinubukan niyang tanggalin ang paa niya sa tsinelas subalit tulu­yang itong nilamon ng huling apat ng gulong ng trak at nagulungan na ang kanyang binti, puson hanggang pisngi,” pahayag ng ama.

Ayon umano sa mga saksi, agad na sinita ang drayber ng trak na kinila­lang si Oscar Llamorin Jr. 22 taong gulang drayber ng Rims Trucking na pagmamay-ari umano ni Rodrigo Sinoy. Nahinto si Oscar habang mabilis na nadala sa ospital si Poch.

Pagkadating nila Brix at Nadel sa ospital, isang nagpakilalang taga Rims ang nagsabing sasagutin umano nila ang gastusin sa ospital. Nagbigay daw ito ng P3,000 para sa gamot na kakailanganin. Kinabukasan, mismong may-ari na si Rodrigo daw ang nakipag-usap sa kanila at inulit nito ang unang pangakong sisiguruhin nilang babayaran ang pagpapa-ospital.

Malubha ang naging kondisyon ni Poch at kailangan mapagamot agad kaya’t minabuti raw ng doktor na ilipat siya ng ospital.

“Naghanap kami ng ospital pero dahil magpapasko karamihan sa kanila nakaliban na. Sa Manila Doctors lang meron,” ayon sa inang si Nadel.

Pinaalam niya sa may-ari ng Rims ang kundisyon ng anak subalit ayaw daw nitong pumayag na ilipat siya sa Manila Doctors.

“Hindi naman pupwede dahil isang araw na hindi pa nagagamot si Poch. Baka naman mamatay ang anak ko,” paliwanag ni Brix.

Nagbigay daw ito ng halagang P8,000 bayad sa Bill ng ospital at ambulansyang gagamitin sa paglipat kay Poch.

Bago pa dalhin sa Manila Doctors ang anak pinapunta raw si Nadel sa bahay nila Rodrigo at kinausap siya ng asawa nito. Sinabi umano sa kanyang bibigyan sila ng P100,000 para sa anak at wala  na raw kasuhan.

“Hindi ako umoo, pero pumayag ako ng makiusap sila na iurong ang pagkaka-impound ng trak para magamit nila at mabayaran daw ang bayarin sa ospital,” ayon kay Nadel.

Pinasulat daw siya ng kasunduan para rito kapalit ang pagpapagamot daw nila Rodrigo sa anak. Nang nasa Manila Doctors na sila muli nilang tinawagan si Rodrigo para sa mga gastusin subalit galit na galit na raw ito at nagsisigaw.

Piniperahan niyo lang kami! Yun ang sabi niya sa’min. Wala pa naman kaming hinihingi sa kanila…” sabi ni Nadel.

Patuloy ang ginagawang paggamot ng mga doktor kay Poch at hanggang ngayon naka-confine pa rin siya sa ospital. Ika-10 ng Enero 2015 na ng nakapagsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injury sina Brix sa Prosecutor’s Office, Pasig City.

Pinuntahan nila Brix ang drayber na si Oscar subalit wala na raw ito sa Rims at nagpunta na raw ng Cebu. Ganun din daw ang may-ari na si Rodrigo. Ito ang dahilan ng pagpunta nila sa’min. Itinampok namin ang sinapit ni Poch sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

Aming kinapanayam sa radyo si Dir. Perla Duque ng Department of Justice Action Center (DOJAC) para humingi ng payo tungkol sa kaso nila Brix. Sinabi ni Dir. Duque na maliban sa kasong kriminal, maaari rin nilang habulin ang may-ari ng trak dahil sa civil liability niya sa kaso dahil sa tinatawag na Quasi Delict. Pinapunta ni Dir. Duque sina Brix sa DOJAC para sa isang conference.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ipinaliwanag din namin kina Brix na kaya hindi naging inquest proceeding ang kaso kahit nahuli naman ang tao ng mangyari ang insidente ay dahil hindi nakaharap ang magrereklamo. Hindi naman mahawakan ng pulis ito ng lagpas sa takdang oras dahil sila naman ang makakasuhan ng ‘Arbitrary Detention’. Kung ang pulis ay masipag at tapat sa tungkulin… hindi tatamad-tamad maaari naman silang magpapunta ng imbestigador sa ospital para kunan ng pahayag ang biktima o sino man sa kapamilya nito.

Madalas kong isulat ang mga katagang Quasi Delict kapag aksidente na ang pinag-uusapan. Ano ba talaga ito? Ito ay kung ang may-ari ng sasakyan na walang partisipasyon sa aktwal na insidente dahil ang tauhan niya ay ginagampanan lang ang kanyang trabaho o utos na may kaugnayan sa kanyang negosyo maaari siyang isabit sa isang reklamong sibil lalong lalo na’t hindi kayang bayaran ng drayber ang gastusin. Hindi naman mabubundol itong si Poch kung ‘di dumadaan ang kanyang trak na pinapatungan ng container van. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038.

BRIX

LEFT

NADEL

NILA

PARA

POCH

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with