EDITORYAL - Kawawa, mga pasahero ng MRT
MARAMING pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) ang napasubsob noong Martes ng umaga dahil sa biglang pagpreno. Tatlong pasahero ang nagkaroon ng bukol sa mukha at gasgas sa braso. Dahil dito, nagpaalala ang general manager ng Metro Rail Transit (MRT) na si Roman Buenafe sa mga pasahero: Humawak daw nang mahigpit sa hand rails para hindi mapasubsob o matumba kapag nagkaroon ng insidente.
Maganda naman ang paalala ni Buenafe pero ang mas maganda sana niyang masasabi sa mga pasahero ay ang mag-sorry dahil sa kapalpakang ipinalasap ng MRT sa mga pasahero na halos magkapalitan ng mukha dahil sa biglang pagpreno.
Ayon sa report naganap ang unang pagtigil ng MRT bago sumapit sa Santolan station dakong 9:30 ng umaga at ang ikalawang pagtigil ay sa Magallanes Station dakong 11:00 ng umaga. Dahil sa biglang pagtigil, parang dominos ang mga pasahero na nagtumbahan sa tren. Parang inihagis ang mga pasahero sa lakas nang pagtigil. Nauntog ang tatlong pasahero samantalang ang iba ay nagkaroon ng gasgas sa mukha.
Ayon kay Buenafe, ipatatawag niya ang driver ng dalawang train para pagpaliwanagin sa bigla-biglang pagtigil. Hindi raw niya kukunsintihin ang mga drivers na hindi maayos sa paghinto. Sinabi rin naman ni Buenafe na alam niyang luma na ang mga tren at maaaring tumirik ang mga ito o kaya ay biglag tumigil. Sabi pa ni Buenafe, 14 sa 22 MRT trains ang operational.
Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang insidente sa MRT. Mayroong lumusot sa barriers, may train na biglang bumubukas ang pinto, may umuusok at ang matindi, tumitirik kaya walang magawa ang mga tao kundi maglakad.
Sa kabila ng mga kapalpakan ng MRT, nagtaas pa ng pamasahe noong Enero. Hanggang kailan magtitiis ang mga pasahero ng MRT sa masamang serbisyo? Kawawa ang mga pasahero na sapat naman ang binabayad subalit dinadaya ng MRT. Kakapit na lamang ba sa railings para hindi matumba at mabasag ang mukha?
- Latest