Kudeta vs PNoy makabubuti ba
MATAPOS ang malagim na Mamasapano incident na isinisisi kay Presidente Aquino, may mga sektor ng lipunan kasama ang mga obispong Katoliko na nananawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Aaminin ko na ako man ay nagkaroon ng ganyang kaisipan na aking inilahad sa social media. Knee-jerk reaction iyan. Yun bang sa tindi ng masamang situwasyon ay umakyat sa ulo ang galit ng tao at gumawa ng padalus-dalos na panawagan.
Mayroon pa ngang mga nati-tsismis na kudeta para mapatalsik ang Pangulo ng puwersahan sa pamamagitan ng military uprising. Ngunit kung makakapag-isip-isip tayo ng mahinahon, sino ang uupong pangulo kung magbibitiw ang Pangulo? Natural si Vice President Jojo Binay na nahaharap din sa mga kontrobersya at hindi maiibigan ng taumbayan iyan.
Kung magtatagumpay naman ang isang kudeta, siguradong ang pamahalaan ay patatakbuhin ng isang military council o junta at hindi magiging normal ang kalakaran sa pamahalaan. Parang martial law ni Marcos iyan. Sabi nga ni Sen. Bam Aquino na pinsang buo ni P-Noy, bagamat karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang opinyon laban sa gobyerno umaasa pa rin siyang walang seryosong magtatangka na patalsikin sa posisyon ang Pangulo.
Sa huling pag-aanalisa ay mas makabubuting mag-antay na lang tayo sa Mayo ng susunod na taon para sa presidential elections. Pero sana’y maging matalino na ang bawat Pilipino sa pagpili ng iluluklok na Presidente ng bansa. Maging mapanuri at suriin ang mga kredensyal ng bawat kandidatong maghahangad mamuno sa bansa.
Masyadong bugbog-sarado na ang bansa nang dahil sa maling pagpili ng kandidato ng taumbayan. O kaya kung tama man ang taong ibinoto natin ay hindi naman nananalo. Iyan ang masaklap.
Kaya maging mapagmasid din tayo sa halalan para maiwasan ang mga pandaraya nang sa gayo’y hindi mailagay sa kapangyarihan ang mga taong walang karapatang mamuno.
- Latest