^

PSN Opinyon

‘Saan si Atan?’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MALIIT na punit kapag hindi mo tinahi magigising ka isang umaga tastas na ang lahat.

“Sinusuntok niya ang kisame, lumalambitin sa mga kahoy na parang si tarzan at nagmumura siya. Pinatingin namin siya sa albularyo. Ligaw na kaluluwa ng babae raw ang pumasok sa katawan ni Atan,” kwento ng ina.

Ang taong tinutukoy ay ang pangatlo sa 10 anak ni Maria o “Mary”, 63 taong gulang na si Jonathan Cinco, kung tawagin minsan ay ‘Atan’—32 taong gulang.

“Diyan lang po ako… sa Paradise…” ito ang sagot ni Atan sa mga Pulis-Malabon ng masita siyang pagala-gala sa kahabaan ng Letre Road, Malabon City.

“Unang beses siyang maligaw nun pero naihatid siya sa bahay ng mga pulis bago mag-umaga,” kwento ng inang si Mary.

Parehong Waray si Mary at asawa si Gil, apat na taon ng karpentero sa Samar. Si Mary naman ay matagal ng nakatira sa Paradise Village, Malabon City.

May sarili ng mga pamilya ang anak ni Mary. Kasama niya sa Malabon ang anak na si Gery at pamilya nito, si Elizabeth dalaga at binatang anak na si Atan.

Diretsong sinabi ni Mary na problema sa pag-iisip si Atan. Nagsimula ang sakit niya pagka-graduate ng hayskul.

“Naalala ko bago siya sumpungin galing kaming sementeryo,” ani Mary.

Undas ika-01 ng Nobyembre… araw ng mga kaluluwa. Nagbabad sa simenteryo ang pamilya Cinco para bisitahin ang puntod ng kamag-anak. Pag-uwi sa bahay napansin nila ang pagbabago sa ugali ni Atan.

“Nay… parang may pumapasok sa katawan ko nilalabanan ko na lang. Parang may bumubulong sa’kin,” paulit-ulit na sambit ng anak.

Nung mga oras na iyon, puro masasamang salita at mura rin ang lumalabas sa kanyang bibig habang nagwawala. Kinailangan itali si Atan para tumigil.

May nakapagsabi sa kanilang baka sinasa­niban ito kaya pinatingin nila agad ito sa albularyo.

Sa pamamagitan ng pagpapatulo ng kandila sa isang batyang may tubig, nabuo raw ang hugis ng isang babae na ligaw na kaluluwa umano. Siya raw ang pumapasok sa katawan ni Atan.

Pinaniwalaan nila Mary ang umano’y pagsanib subalit ng magpaulit-ulit, sa National Center for Mental Health (NCMH) na siya dinala nung taong 2008.

Nantili si Atan sa NCMH sa loob ng isang araw. Umigi ang kanyang lagay matapos turukan ng gamot.

“Parang nagdahilan lang siya, bigla na lang siyang nagtanong kung bakit siya dinala dun?” sabi ni Mary.

Mula ng maipasok sa NCMH hindi na raw sinumpong ng grabe ang anak subalit patuloy naman itong nakakaranas ng biglaang paninigas ng katawan, panginginig hanggang sa tuluyang mawalan ng malay.

Kapag ganito ang sitwasyon hinahayaan nila si Atan sa sahig at hinilot-hilot lang ang mga kamay, mga daliri hanggang sa mahimasmasan ito.

“Pagtapos niyang sumpungin hindi na siya nagsasalita. Nakaupo na lang siya sa isang tabi,” kwento ng ina.

Pinasuri nilang muli sa doktor si Atan at nalaman nilang meron itong epilepsy. Maliban sa mga sintomas ng pagiging epileptic, kapag sinusumpong si Atan, lakad lang ito ng lakad at hindi mapakali. Nagagalit ito kapag sinisita.

Disyembre 2013, nang lumabas daw ito ng bahay at naglakad-lakad. Pumunta itong simbahan sa Letre Road at naligaw.

Nakita siya ng mga pulis. Tinanong kung saan siya nakatira. Sumagot ito na, “Dyan lang po sa, Paradise…”. Agad siyang hinatid siya pauwi.

Isa hanggang dalawang beses sa isang taon kung sumpungin ang anak. Kapag maayos naman ang kanyang lagay, nakakakilos naman ito ng normal.

Ika-25 ng Enero 2014, umaga pa lang umalis ng bahay si Mary. Naiwan sa bahay ang anak na si Gery, kaibigan nito at si Atan.

“Binilinan ko siyang ‘wag aalis ng bahay at babalik ako agad,aniya.

Hindi naman umalis ng bahay si Atan subalit ng mag-basketball si Gery, lumabas daw ito suot lang ang kanyang pantulog--dilaw na pajama na bulaklakin, sandong asul at naka tsinelas lang.

Ganap na 4:00 ng hapon, pagbalik ng bahay ni Mary wala na si Atan. Agad nila itong hinanap at may nakapagsabing nagpagupit pa raw ito ng buhok sa malapit na barberya.

Padilim na nang makita siya ng isang kapitbahay na naglalakad papunta sa direksyon ng mall malapit sa kanila.

Sinita siya ng kapitbahay, “Jonathan, gabi na ‘di ka pa umuwi?” subalit ni hindi siya nito nilingon. Ito na ang huling araw na namataan si Atan sa lugar. Hindi na siya nakita pa.

Inisip nila Mary na baka nagpalamig lang sa Mall si Atan dahil may pagkakataon itong pumupunta dun subalit mag-uumaga na wala pa rin ito.

Nagpa-blotter sa barangay at presinto sina Mary at tinala si Atan sa listahan ng mga taong nawawala (Missing Person). Ikinalat na rin nila ang larawan ni Atan subalit hanggang ngayon hindi pa rin ito matagpuan.

Kahilingan ni Mary maisulat ang istorya ng anak at ilathala ang larawan ni Atan para matulungan sila maghanap sa anak. Itinampok namin ang kwento ni Mary sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/ Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, lubos ng naapektuhan ang pag-iisip ni Atan dahil sa sakit na epilepsy at pag-‘seizure’ (pangingisay). May gamot na ibinigay kay Atan na dapat ay tuloy-tuloy niyang iniinom (maintenance). Sa kwento ni Mary, pinapainom lang niya ito kapag sinusumpong ang anak.

Matagal na panahon na hindi nakikita si Atan, isang taon na. Kung ito’y nakita ng barangay o kapulisan siguradong naihatid na ito sa Mental Health. Sa rami ng mga taong hindi nakakapagsalita at hindi naiibigay ang tunay nilang pangalan naiiwan na ‘unidentified’ at pagala-gala yan sa mga selda ng ospital. Tiyagaan lang ang kailangan para maisa-isa ang bawat selda doon. Kaya naman humingi kami ng tulong sa tanggapan ni Mayor Benhur Abalos at si Mr. Jimmy Isidro naman ay pinasamahan sila sa isang pulis at isang doktor para puntahan sa mental.

Sa laki ng lugar hindi mo kakayanin na maghapon dahil nagkaroon na kami ng kaso na tatlong beses bumalik ang mga kaanak ng pasyente tsaka lang nakita. Narito ang litrato ni Atan na nawawala. Kung anumang impormasyon meron kayo tungkol sa taong ito pakitawag lamang sa aming tanggapan sa mga numero sa ibaba.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. Hotlines: 09213263166, 09198972854 Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ATAN

LEFT

LETRE ROAD

MARY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with