Pergalan
MAY bonggang salu-salo na pinaghahandaan ang barangay officials sa Pulang Lupa, Bgy. Sto. Niño, Poblacion, Muntinlupa City at pinayagan itong “pergalan” ng Atienza Games and Amusement na makapaglatag ng color games mismo sa Mini Plaza. Sa tingin kasi ng aking mga kausap, nabulag ng Batangeño na si Sonny Atienza ang mga gutom na barangay officials sa pakulo nitong uuga-ugang roller coaster at bingohan. Kasi nga, sa kabila pala nitong nakatabing ng trapal aba’y nakalagay roon ang walong lamisa ng color games na fullpack ng mga sugarol. Nanlilisik ang mata at nakangising kabayo sa tuwa ang adik na maintainer na si Marty dahil tumatabo siya ng limpak-limpak sa mega color games araw-araw at gabi-gabi sa halos isang buwan na operasyon. Siyempre nabundat at nag-uumapaw ang bulsa nina Sonny Atienza at Marty dahil kanlong sila ng barangay, paniniyak yan ng aking mga kausap kung kaya masagana rin ang parating na atik sa barangay officials, Office of the mayor Jaime Fresnedi, SPD chief CSupt. Henry Ranola at Muntinlupa Police chief SSupt. Allan Nobleza.
Ang masakit nito baka tumaas ang kriminalidad sa natu-rang barangay dahil ang mga parukyano ng mga pasugal ni Atienza at Marty ay mga tricycle driver at pangkaraniwang tao lamang. Saan ba sila kukuha ng panustos sa sugal at ipakakain sa kanilang mga pamilya oras na malasin sa da-yaan na color games? Di ba magnanakaw, manghuholdap o mang-snatch? Paano mareresolba ang kriminalidad sa naturang lugar kung abala ang barangay officials at tanod sa pagbibigay ng proteksyon ng pergalan ni Atienza at Marty? Di ba wala mga suki! Ngunit may bintahe ito para sa mga hambog na barangay officials dahil may maihahanda silang putahe na pagsasalu-saluhan nina Mayor Fresnedi at alipores, Councilors League, SPD chief Ranola at mga mandirigmang pulis ni Muntinlupa City Police chief SSupt. Nobleza. Ewan ko lang kung kayang lunukin ng mga binanggit kong bisita bukas (Peb. 15) ang masaganang pagkain at manamis-namis na alak na inihanda ng Bgy. Sto. Niño gayong galing ito sa illegal na pamamaraan. Hehehe!
Sa katunayan may ilang photographer ang isinumbong sa akin na binitbit ng mga BSPO patungong Barangay Hall ng tangkang kunan ng larawan ang operasyon ng pergalan ni Atienza at Marty. Nabahag umano ang mga buntot ng tatlong photographers ng kaladkarin at duru-duruin patungo sa Barangay Hall dahil wala silang coordination sa bara-ngay officials at Mayor’s Office kung kaya pinagkukuha ang kanilang mga ID’s bago sila pinakawalan. Hehehe! Patunay lamang ito na mas higit pang pinaglingkuran ng mga BSPO ang illegal na sugalan nina Atienza at Marty kisa sa ang kapakanan ng Residente na nagnanais ng matahimik at ligtas na kumonidad. Aba, dapat na kumilos dito simbilis ng kidlat si NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria dahil malaking insulto ito sa kanyang programang “ No Take Policy/One Strike Policy” di ba mga suki? Kasi nga kung nagbulag-bulagan man si Muntinlupa City Police chief SSupt. Nobleza sa pa-color games nina Sonny Atienza at Marty sa kaharian ni Fresnedi tiyak na gagayahin rin ito ng lahat ng barangay officials ng Muntinlupa City. Get nyo mga suki! Abangan!
- Latest