^

PSN Opinyon

“Umeepal na nanay (?)”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG INA inuuna ang kapakanan ng mga anak at hindi ang sariling kaligayahan ang parating iniisip. Madalas din naman akong magbiro na ang pinakaswerteng lalaki sa balat ng lupa ay si Adan. Bakit? Dahil wala siyang biyenan!

“Habang ang anak ko’y nagpapakahirap sa ibang bansa ang kanyang asawa’y panay ang gimik kasama ang barkada. Pati tomboy pinagpupuyatan,” pahayag ni Josefina.

Dating nagtatrabaho sa Japan ang 40 taong gulang na ginang na taga Bulacan na si Josefina Uchiumi.

Bata pa lang ang mga anak nang magpasyang magtrabaho doon si Josefina. Pangalawa sa tatlo niyang anak si Jun  Christoffer “JC” Cabang.  “Nakapangasawa ako ng hapon kaya pinasunod ko na si JC. Nakahanap naman siya ng mapagtatrabahuan dun,” kwento ni Josefina.

Bagamat nasa dayuhang bansa, Pinay pa rin ang nakursunadahan ni JC. Si Marilyn Ocampo na nagtatrabaho rin sa Japan. Tutol man ang ina ni Marilyn sa relasyon ng dalawa nagpasya pa rin ang mga itong magpakasal sa Philippine Embassy. Kapwa labing siyam na taong gulang pa lamang sila noon.

‘Resident’ na si JC dun. Taong 2007 nang bumalik ng bansa si Josefina. Sumunod naman sa kanya ang asawang hapon nung 2009.

“Taong 2010 ang asawa at anak naman ni JC ang umuwi. Napaso na ang kanyang visa,” salaysay ni Josefina.

Sa bahay nina Josefina tumuloy si Marilyn. Isang gabi lang daw itong namalagi iniwan na nito sa kanyang pangangalaga ang apo.

Matagal umano itong hindi umuwi doon. Bigla na lang daw itong sumulpot nung ika-10 ng Disyembre 2010 kasama ang ina. Sa pagkakaalam ni Josefina hindi na nagkakasundo ang kanyang anak na si JC at si Marilyn dahil ang gusto nito ay sa Bataan mamalagi.

“Hindi man lang siya nagtext o tumawag basta na lang sila dumating. Kukunin na raw nila ang bata,” ayon kay Josefina.

Habang nasa Pilipinas daw ang ina ni Marilyn pahirapan kung mahiram nila ang bata. Kalimitan hindi niya ito makasama. Nang magbalik ang ina nito sa Japan kay Josefina ulit tumira si Marilyn.

Mahilig daw itong umalis sa gabi at magpunta sa mga club. May mga nakakakita rin dito na palaging may kausap sa cellphone.

“May kumalat pang usap-usapan na may naging boypren siyang waiter. Minsan tirik na ang araw kung umuwi,” ayon kay Josefina.

Ang dahilan daw ni Marilyn sa kanya, nahihiya itong umuwi ng gabi kaya’t nakitulog na lang sa kaibigan. Napag-alaman ni Josefina na ang bahay na tinulugan nito ay mas malayo pa sa bahay nila.

“Nababanggit ko sa anak ko ang ginagawa ng asawa niya pero sa huli kaming mag-ina lang ang nagkakasamaan ng loob. Iniisip niyang sinisiraan ko lang si Marilyn,” pahayag ni Josefina.

Isang beses sa isang taon lang nakakauwi ng Pilipinas si JC. Regular itong nagpapadala ng sustento kay Marilyn. Taong 2012 nabasa niya sa Skype Account ni Marilyn ang usapan nito sa isang tomboy.

Tinatanong daw ng tomboy kay Marilyn kung paano kapag nalaman ng asawa niya ang kanilang relasyon. Sagot ni Marilyn uuwi na raw siya ng Bataan.

Napag-alaman pa ni Josefina na maliban sa sustento ng kanyang anak ay nagpapadala rin kay Marilyn ang karelasyon nitong tomboy na nasa Australia nung panahong yun.

Marso 2012 nang subukang hiramin ni JC ang anak dahil umuwi ito ng Pilipinas ngunit ayaw nina Marilyn. May kondisyon daw ang mga ito at mag-usap muna sila.

“Parang humihingi pa ng pera sa anak ko. Limang libo bawat buwan naman ang ibinibigay ni JC. Nakarating pa kami sa DSWD para mahiram ang apo ko pero sila ang pinaboran,” salaysay ni Josefina.

May nakwento rin daw noon ang kanyang apo na nakikita niyang nag-aaway ang mama at lola niya.

Pati ang umano pag-aaway nina Marilyn at ng ‘boyfriend’ niya ay nakikita rin ng bata. Payat na payat din daw ito at tumataba lang kapag nahihiram niya.

“Pinagtatiyagaan ko kasi siyang subuan at pakainin ng madami. Siguro sa kanila hindi siya gaanong nababantayan,” sabi ni Josefina.

Taong 2013 nagpasya nang mag-file ng ‘Annulment’ at ‘Petition for Custody’ si JC. Gusto nilang mapunta sa kanila ang pangangalaga ng bata dahil buntis umano ngayon si Marilyn.

Nais humingi ng payo ni Josefina kung sakaling hindi niya ibalik ang bata ay maaari ba ito.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Josefina.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pagsasampa ng annulment hindi basta-basta dinedesisyunan yan. Bibigyan pa kayo ng pagkakataon para mapag-isipang mabuti kung desidido na ba kayo. May social worker pang kakausap sa inyo.

Ang tungkol naman sa hindi mo pagbabalik sa bata, mismong ang abogado mo ang magsasabi na maaari kang makasuhan ng ‘Kidnapping’ ng ina ng bata. Kailangan dinadaan sa tamang proseso, mag-file ka ng ‘Petition for Custody’ at ilagay mo doon ang lahat ng dahilan kung bakit hindi siya karapat-dapat na mag-alaga ng iyong apo pati ang kanyang pagiging buntis kung totoo nga yan dahil sa pakikipag relasyon sa ibang lalaki.

Kapag nakita ng Hukom na may basehan ang iyong mga argumento baka maaaring ideklara niyang hindi lamang ‘unfit mother’ ito kundi ang kapaligiran kung saan siya nandoon ay hindi maayos na lugar na kanyang kalalakhan.

Maaaring gawing taliwas sa nakasaad sa ating family code na kapag ang bata ay mababa sa pitong taong gulang ay mapupunta ang kustodiya ng bata sa kanya.

Hindi maaaring basta na lamang hindi na pabalikin ng biyenan ni Marilyn sa tunay na ina ang bata dahil maaari siyang sumabit at makasuhan at kawawa ka naman dahil sa labis na pagmamahal mo sa iyong apo at maalagaan siya ang mangyayari ang mga preso ang aalagaan mo.

Lahat ng aming sinabi para mas maniwala itong si Josefina pinakausap namin sa radyo ang Director ng Department of Justice Action Center (DOJAC) na si Atty. Perla Duque. Kinatigan naman ni Dir. Duque ang aming paliwanag sa kanya. Sana makinig ka naman dahil ito ang batas.

 (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ANAK

BATA

DAW

JOSEFINA

LANG

MARILYN

PILIPINAS

TAONG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with