EDITORYAL - Hinay-hinay muna sa pakikipag-usap
NAGKAROON na ng lamat ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyerno dahil sa brutal na pagpatay sa 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF). Pero iginigiit pa rin ng gobyerno na dapat matuloy ang pakikipag-usap. Marami na raw pinaghirapan sa pagsusulong ng usapan. Hindi raw dapat masayang ang pagod sa pagkakamit ng kapayapaan.
Nagpahayag na ang House of Representatives na hindi muna magsasagawa ng debate ukol sa Bangsamoro Basic Law (BBL). At tiniyak na hindi maipapasa ang BBL sa 2016. Pero sabi naman ng ilang kongresista, hindi pa naman daw ganap na patay na ang BBL at maaari pa itong ipagpatuloy. Sabi naman ng ilang mambabatas, dapat maging sinsero sa pakikipag-usap ang MILF. Hiling ng iba na ibalik ang mga armas at personal na gamit ng SAF para makita na sila’y totoo sa pakikipag-usap.
Kahapon, muling nagsagawa ng hearing ang Senado at dumalo na si MILF peace panel chairman Mohagher Iqbal. Maraming tinanong kay Iqbal ang mga senador ukol sa nangyari sa Mamasapano at wala ring nahalukay na katotohanan. Halos nagpaikut-ikot lang ang usapan at wala ring narating. Sinabi ni Iqbal na huwag muna silang husgahan sa nangyari. Hindi lang naman mga SAF ang namatay kundi maging sa panig man nila ay marami rin ang namatay.
Hindi rin nasagot ang mga katanungan kung bakit kailangang pagbabarilin pa nang malapitan ang mga sugatang SAF commandos kahit may mga tama na. Ang ilan sa mga pulis ay hinubaran pa. May mga tumabingi ang mukha sapagkat walang awang binaril. Kinunan pa ng video ang mga pangyayari at marami ang nahindik sa mga nakapanood.
Marami sa mga senador ang matamlay na sa pagpapatuloy ng peace process. Si Sen. Peter Alan Cayetano ay inalis na ang pagsuporta sa BBL.
Dapat maghinay-hinay ang gobyerno sa pakikipag-usap sa MILF. Ngayong marami nang nakita sa MILF, gaya nang hindi masagot kung bakit nasa teritoryo nila si Marwan at bakit hindi maibalik agad ang mga armas, kailangan pa bang makipag-usap sa kanila. Maghinay-hinay muna. Huwag padalus-dalos.
- Latest