EDITORYAL – Dumami ang jobless
SA survey ng Social Weather Stations (SWS) noong nakaraang Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014, lumabas na 12.4 milyon o 27 percent ang walang trabaho. Mataas ito kumpara sa naunang survey noong Hunyo 2014 na 11.8 million ang walang trabaho.
Nadadagdagan ang mga “nagbibilang ng poste”. Milyon ang walang trabaho at tiyak na madadagdagan sapagkat taun-taon ay mayroong nagtatapos sa kolehiyo. Aabutan ng mga bagong gra- duate ang dati nang nagbibilang ng poste. Madadagdagan ang tambay.
Noon pa, problema na ang kawalan ng trabaho. Madalas ipangako ng mga namumuno particular ang mga nagnanais nang mataas na puwesto na ang prayoridad nila ay ang paglikha ng mga trabaho. Kapag naluklok na sa puwesto ang pinuno, hindi na nila prayoridad ang unemployment problem. Wala na silang pakialam.
Hindi naman talaga magiging problema ang unemployment kung mayroon lamang mahusay na pananaw at pagpaplano ang mga namumuno sa gobyerno. Kailangan bang magkaroon ng tambay sa bansang ito na malawak ang lupain at may sapat na pagkukunan nang makakain ng mamamayan. Ang magugutom na lamang marahil sa bansang ito ay ang mga batugan at walang plano sa buhay.
Kung pagaganahin lamang ng mga opisyal ng pamahalaan partikular ang nasa agriculture department ang kanilang mga utak, napakaraming ibibigay na trabaho ang nasa sector ng agrikultura. Kulang lamang sa pagtingin, pagsisinop at pagpapayaman ang sector kaya hindi makalikha ng mga trabaho. Kulang sa kakayahan ang nangangasiwa kaya hindi mapaunlad ang agrikultura. Kung pagtutuunan ng pansin ang agrikultura, narito nang lahat ang mga biyayang magpapa-unlad sa bansa. Hindi na kailangang magtrabaho sa ibang bansa o mag-OFW para kumita. Paunlarin ang sector ng agrikultura at tiyak na magkakaroon ng pagkakakitaan ang lahat. Nasa malawak na taniman ng bansa ang pagmumulan ng kaginhawahan. Bigyang pansin ito.
- Latest