‘Fallen 44’ dapat sa Libingan ng mga Bayani
SANA ay mapagtibay ang isinusulong ng ilang oposisyunistang Kongresista na ilibing sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig ang 44 na operatiba ng PNP-SAF na napatay ng mga elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Si Presidente Aquino mismo ang tumawag sa kanila na “fallen heroes” eh di dapat lamang doon sila ilibing kasama ang marami pa na itinuturing na bayani. Huwag lang sanang maging “bulaklak ng dila” ng Pangulo ang pagtawag sa mga pulis na ito na “bayani.”
Ang katuwiran daw ng ibang tumututol sa panukala ay para lang daw sa militar ang Libingan ng mga Bayani at hindi sa mga Pulis. Hindi totoo iyan. Hindi naman libingan ng militar ang tawag sa sementeryong ito kundi Libingan ng mga Bayani. Ang mga nakalibing diyan ay mga sundalong lumaban sa nakaraang World War II, mga yumaong national artists at iba pang mga dignitaryo ng pamahalaan tulad nina dating Foreign Affairs Secretary Carlos Romulo at dating Chairman ng COMELEC na si Haydee Yorac.
Marami ang naghinanakit kay Presidente Noynoy Aquino dahil sa tila’y kawalan niya ng malasakit sa pangyayari. Pero naniniwala akong makakabawi siya at ikatutuwa ng mga naulila ng mga biktimang pulis kung siya mismo ang mag-uutos na ang mga naturang “fallen heroes” ay mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Huwag na niyang hintayin na ang inisyatibo ng mga oposisyon sa Kongreso ang magpatupad nito dahil lalu siyang pupulaan ng taumbayan.
Sa House resolution 1870 ng Independent Minority bloc sa pangunguna nina Leyte Rep.Ferdinand Martin Romualdez at Buhay partylist Lito Atienza, ipinanukala na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang mga nasawing miyembro ng SAF bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga ito.
Anang resolution – malaking sakripisyo at kabayanihan ang ginawa para sa bansa ng 44 na miyembro na SAF.
Kahit ang Pangulo ay kinilala ang kabayanihan ng mga police operatives na ito sa Necrological rites para sa kanila. Hindi naman siguro bukadura lang iyan. Kung isa ka sa mga naulila ng mga bayaning ito, higit na maglulubag ang dibdib mo at mawawala ang galit kung ang ganyang pagkilala ay may lakip na gawa. Hindi puro salita.
- Latest