Bago humusga …
ISANG kritikal na elemento upang makatulong sa pag-unawa ng trahedya ng Mamasapano ay ang kumpletong impormasyon. Hindi lamang sa nangyaring “mis-encounter” o massacre? – na ang impormasyon ay makukuha sa pamamagitan ng masusi at imparsyal na imbestigasyon – kung hindi pati na rin sa mismong peace process na, hanggang nangyari ang trahedya, ay parang pahapyaw lang sa kaalaman ng mayorya.
Kailangan nating malaman ang buong katotohanan dahil tayo bilang bansa ang magpapasya sa kung tayo’y aabante o aatras mula sa puntong ito. Nariyan siyempre ang ating panguluhan na may sarili ring papel na ginampanan. At bagamat nakapagsalita na ito – na higit na nakararami’y nadismaya sa tangkang paghugas kamay – sa huli ay tayo rin ang tatanungin kung suportado ba natin ang mga desisyon o kawalan ng aksyon ng ating mga opisyal.
Naiipit ngayon ang Malacañang sa pagitan ng mga naghahangad ng paghihiganti at sa mga hindi nawawalan ng pag-asa sa mailap na kapayapaan sa Mindanao. Binibisita nang muli ng marami ang posisyon noon ni Manila Mayor President Erap ng all out war laban sa MILF. Sabi ng mga nakakaalam, hindi kinakatawan ng MILF ang karamihan na nakikipaglaban. Doon naman sa ayaw na ng giyera, pakiusap nila’y huwag hayaang masilat ng nangyari ang lahat ng pinaghirapan para lang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Kung responsable ang Presidente ay hihintayin niya ang resulta ng imbestigasyon bago kumilos. At para rin maiwasan ang hinala, kinakailangang baguhin ang komposisyon ng investigation panel upang maisama ang mga sektor na hindi kasangkot sa nangyari. Kung responsable tayong mamamayan, susubukan natin mabasa, marinig at mapanood lahat ng ulat at, higit dito, pipilitin nating intindihin ang kabuuhang peace process at lahat ng inabot na ng magkabilang panig bago tayo humusga.
Ang nangyari sa Mamasapano ay pinakamalaki nang pagsubok na haharapin natin bilang lipunan sa ilalim ng administrasyon ng Presidenteng ito.
Hahamunin nito ang ating maturidad at ang ating determinasyon na makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa isang rehiyong ilang dekada nang pinagkaitan nito.
- Latest