Nangitim na kuko: Anong dahilan
MAY mga pasyente akong nakikita na nangingitim ang kuko. Ano kaya ang ibig sabihin nito? May 3 dahilan po ang pagkamatay ng kuko:
(1) Nabangga o nasugatan ang daliri. Kadalasan ay may sakuna na nangyari. Baka naipit ang daliri, o kaya nadaganan o nabangga ng hindi mo namamalayan. Dahil dito, puwedeng masira ang puno ng daliri (nail bed) kung saan gumagawa ng bagong kuko.
(2) Fungal infection. May mga fungal infection na su-misira sa kuko. Nakukuha ito sa matagalang paglalabada at paghawak ng maruruming bagay. Kadalasan ay may uka ang kuko at hindi naman nangingitim. Pahiran ng anti-fungal cream at gumamit ng guantes habang naglalabada.
(3) Paggamit ng matatapang na kemikal.
Walong payo para hindi masira ang kuko:
Gumamit ng “mild” na sabon. Ang matatapang na sabon, tulad ng panlabada, ay para lang sa baro at hindi sa ating kamay. Mag-ingat sa mga asido at pangkula.
Huwag abusuhin ang kuko. Huwag gawing “tools” ang kuko para ipambukas ng lata o gamit. Kumuha ng screwdriver!
Mag-ingat sa pagpuputol ng kuko. Huwag masyadong putulin ng maikli at baka masugat ang iyong balat. Huwag din pahabain ang kuko at baka mabali lang ito. Gumamit din ng nail file para mabawasan ang matatalas na kanto.
Huwag kagatin ang kuko. Puwede mong masira ang puno ng kuko.
Huwag kutkutin ang cuticles. Kung gustong tanggalin ang cuticles, ibabad muna ang kamay sa maligamgam na tubig ng 5 minuto para lumambot ang cuticles.
Huwag hilahin ang balat sa tabi ng kuko (hangnails) dahil masusugatan ang iyong balat. Putulin ito ng nail cutter. Tandaan: Kahit maliit na sugat lang sa tabi ng iyong kuko ay puwedeng pasukin ng bacteria o fungus. Ang tawag sa impeksyon na ito ay Paronychia. Mahirap itong pagalingin.
Protektahan ang iyong kuko. Gumamit ng guantes kapag magbabasa ng matagal na panahon o kung gagamit ng mga kemikal.
Bawasan ang pagma-manicure sa 2 beses bawat buwan. Masama po ang mga nail polish remover tulad ng acetone na nagpapatuyo ng kuko. Mas maganda pa nga ang walang manicure, at makapahinga ang iyong kuko sa kemikal.
Ingatan ang iyong kuko. Kapag namatay na ang kuko, minsan ay hindi na ito nanunumbalik sa normal. Kung may karagdagang katanungan, kumunsulta sa isang dermatologist. Good luck po!
- Latest