Papa, papatayin
UNA, mga obispo mismo ang nagbunyag tungkol sa umano’y bigong plano na likidahin si Pope Francis.
Tapos kinumpirma ng Malacañang na may mga hilaw na impormasyon kaugnay ng planong ito. Palagay ko, walang seryosong plano para iligpit ang Papa. Kumbaga, mga biro ng walang magawa. Hindi nga ba madalas na makatanggap ng mga tinatawag na crank calls ang ilang opisina na may bomba kuno, tapos may susugod na mga bomb disposal experts para magsiyasat pero wala namang matatagpuang bomba.
Kitang-kita naman natin ang pagsira mismo ni Pope Francis sa security protocol pero talagang mahal siya ng tao. Ang sinakyan niya ay isang bukas na Pope Mobile at kung minsa’y hihinto pa ang sasakyan para kamayan ang mga tao at humalik sa mga bata ang Papa. Kung may gagawa man ng masama sa Papa, tiyak ko na ang mga taumbayan ang mismong magtatanggol sa kanya.
Ang isang malaking security measure na ipinatupad ay ang pagparalisa sa signal ng mga cellphone para mapigil ang ano mang tangka na gamitin ang cellphone sa pagpapasabog ng bomba.
Matiwasay na nakaalis ng bansa ang Papa at walang nangyaring masama sa kanya. Of course, credit din ito sa pulisya at military na nagtulong para pangalagaan ang seguridad ng dumadalaw na Papa.
Masasabi rin natin na kalooban ng Diyos na maging ligtas ang pananatili sa bansa ng Papa para isulong ang kanyang misyon na nagdadala ng mensaheng ituon ang isipan kay Kristo at hindi sa kanya.
Sana ay namulat din ang lahat ng tiwali sa labas at loob ng pamahalaan sa panawagan ng Papa na talikuran ang lahat ng katiwalian at lingapin ang mga mahihirap. Mabuti ring ehemplo ang ipinakita ng Papa na naging modelo ng kababaang loob na napakalayo ng agwat sa ilang nagkaroon lang ng posisyon sa gobyerno ay nagtampisaw na sa karangyaan.
Tinangnan natin ngayon kung ang “apoy” ng magagandang halimbawa ni Pope Francis ay mananatili sa puso ng marami nating kababayan, higit lalo yaong mga nanunungkulan sa ating pamahalaan.
- Latest