‘Bukulan’
MATINDI ang “bukulan” este intriga sa Philippine National Police matapos ang makasaysayang Pope visit. Paano kasi, lahat nang mga ahensiya ng Aquino government ay nagbigay ng parangal at bonus sa kani-kanilang mga tauhan matapos itala ang suwabeng pamamalakad sa lahat ng lugar na dinaanan at pinaglagian ni Pope Francis sa Metro Manila at Tacloban. Ito rin ang kauna-unahang mega event sa bansa na naitalang peaceful dahil sa pagiging displinado ng mga Pinoy. Ngunit sa kabila pala nito may intriga paring kumulapol sa hanay ng PNP matapos ang walang tulugang pagbabantay sa lugar na dinaanan ng Papa. Una na rito ay ang pagkagutom at pagkauhaw ng mga pulis dahil kapos ang inirasyong packlunch at bottled water ng kani-kanilang field commanders sa walang alisang barikada sa harap ng concrete barriers.
Lalo pang sumambulat ang pagaw na boses ng mga pulis nang mabiyayaan sila ng P700 sa walong araw na pagbabantay kay Pope Francis. Ngunit sa totoo lang mga suki, tumataginting pala na P300 kada araw ang pamalit sa super pagod ng ating mga pulis na kung susumahin ay aabot sa P2,400.00 ang maiuwi nila sa kanilang pamilya. Kaya ang reklamong ay dinaan na lamang ng mga nabukulang pulis sa Facebook dahil bawal sa kanila ang mag-rally. Kaya tuloy ang pananaw ng ating mga kababayan sa sinapit ng mga pulis ay may nagmaniobra sa P700 millions na pinakawalan ni DBM Sec. Butch Abad. Malinaw na pinag-interesan ang naturang salapi upang masira ang kredibilidad ni Acting PNP chief Leonardo Espina, ayon sa aking mga nakausap. Dapat tutukan ito ni Espina dahil nakasasalay dito ang kanyang malinis na pamamalakad sa PNP.
Lumalabas na may kumikilos sa Camp Crame na naiinggit sa kanyang puwesto kaya humambalos nang palihim upang maibaling ang pananaw ni DILG sec. Mar Roxas. Iyan ang aabangan natin mga suki! At habang umaarangkada na ang imbestigasyon sa allowance ng PNP, sinamantala naman ng mga kriminal ang pagkakatuliro ng mga pulis. Kagabi, sinalakay ng nag-iisang holdaper ang Le Joy Spa sa Unit 306-C, Morato Square Building, Tomas Morato cor. Scout Madrinan, South Triangle, Quezon City kung saan hindi pa matiyak kung magkano ang cash money na kita ng Spa at mga gadget ng customers na naitakbo ng holdaper na naka-short pants at white shirt dahil tikom pa ang bibig ng mga empleyado. Maging ang Kafe Hugo sa E. Rodriguez Avenue ay sinalakay din kung saan itinali sa loob ng banyo ang mga crew ng coffee shop. Sa Bgy. Pio Del Pilar, Makati City naman ay pinaulanan ng bala ng mga kalalakihan ang grupo ng mga tambay sa Taylor Street at dalawa ang napatay at pito ang sugatan. Dahil walang CCTV sa naturang kalye, tiyak na blanko rin ang kapulisan ni SSupt. Ernesto Barlam dahil hanggang ngayon, wala pa silang natatangap na allowance. Abangan!
- Latest