‘Gagambang nakadikit’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
NIYAYA mo siya sa iyong lungga nagustuhan naman niya, ngayong ika’y umaayaw na di mo siya matinag sa kanyang kinalalagyan.
“Pinagbabantaan niya ako. Kung sino daw ang lalaking makakasama ko papatayin niya. Walong libo lang daw ang halaga ko,” simula ni Florence.
Isang mensahe sa aming ‘official page’ sa Facebook (FB) ang www.facebook.com/tonycalvento ang aming natanggap mula sa kapatid ng itatago namin sa pangalang “Florence”-26 dahil sa kahilingan niya na hindi makaladkad ang eskwelahan kung saan siya ay nurse.
Taong 2009 nang may nakilalang lalaki si Florence na si Michael Recio, 33 taong gulang na nasa Italy dahil sa paglalaro ng poker sa FB. Binata at walang anak ang pakilala nito. Gusto nitong makipagkaibigan at umuwi ng Pilipinas. Ibinigay naman ni Florence ang kanyang numero. Madalas itong tumawag at iba’t-ibang numero ang ginagamit. Pag-uwi nito ng Pilipinas nakikipagkita ito kahit na diniretso niyang may boyfriend na siya.
Agosto 2012 makipagtagpo si Florence sa Alabang Town Center. Pareho silang nagsama ng kaibigan. Dinala siya nito sa lugar nito sa Batangas.
Madalas na silang magkita. Ito ang dahilan kung bakit nagalit ang kanyang boyfriend at nagkahiwalay sila. Naging magkarelasyon sila ni Michael nung Agosto 14, 2012.
Ika-21 ng Agosto 2014 natulog si Michael kina Florence. Nung gabing yun kinakabahan siya dahil kahihiwalay pa lang niya sa kanyang boyfriend at eto makakasama sa iisang kwarto ang isang lalaking hindi naman niya lubusang kilala.
Gusto niyang magbago ng isip ngunit hindi niya napigilan ang gigil nitong si Michael. Halos punitin niya lahat ng suot nitong si Florence. Pangako sa kanya ni Michael papakasalan daw siya nito. Mula nun umuuwi lang ang lalaki sa kanila para kumuha ng pamalit na damit.
May dalawa daw pag-aaring ‘grocery store’ sa Pasig sina Michael at may bakahan sa Batangas. Wala naman itong maipakitang papel at valid i.d. May condo din daw ito sa Pasig ngunit ng puntahan nila nabenta na daw niya.
“Nung simula nagbibigay siya kay Mama ng pera panggastos. Pati ako binibigyan niya. May milyon daw siya sa bangko,” sabi ni Florence.
Lahat ng bagay na ito ay alam ng kapatid na si Kim na nasa ibang bansa. Wala siyang tiwala sa pagkatao ni Michael kaya’t pinigilan siyang magpakasal.
“Setyembre 2012 may transaksiyon daw siya ng asukal. Milyon daw yun. Nanghihiram ng pera dahil kulang ang pondo niya. Dalawang daang libo yung pinahiram ng lola kong nasa Amerika,” salaysay ni Florence.
Sa pamilya daw ni Florence ito ipapangalan. Pinapaliban nito si Florence para sa kakausaping magbibigay ng tseke ngunit hindi niya ginawa dahil hindi siya naniniwala sa sinasabi ni Michael. Nang hindi ito matuloy sinisisi siya nito. May ipinakita daw itong i.d na siya’y ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ngunit punit ang likod at naka-stapler lang ang larawan.
Naging problema din ni Florence ang pagiging seloso nito.
Pebrero 2013…may nabasang text si Florence sa cellphone nito mula sa kapatid. ‘Lumalaki na mga anak mo…magpakabait ka na.’ Nagalit siya kay Michael at kinompronta ito. Itinanggi ito ni Michael.
“Tinawagan ko kapatid niya. Tinanong ko kung may asawa at anak na ba talaga si Michael. Ang sabi niya sa unang asawa may isang anak. Sa pangalawa may dalawang anak,” pahayag ni Florence.
Kumuha pa si Florence ng Certificate of No Marriage (Cenomar) sa Philippine Statistics Authority (PSA). Walang nakatalang pinakasalan si Michael. Naniwala si Florence kay Michael at nagsama pa din sila sa bahay.
“Nung birthday ko nakipaghiwalay na ako. Nag-imbita ng mga kaibigan ko wala naman palang pera. Nagamit ko pa ang pera ng kaibigan ko,” kwento ni Florence.
May nakikita din daw siyang baril sa drawer at may chapa ng NBI. Kapag umuuwi si Florence ng gabi nagagalit si Michael kahit hiwalay na sila. Sa tuwing paaalisin niya ito sinasabihan lang siya na ayusin niya muna ang buhay ni Michael para tanggapin siya ulit ng pamilya nito. Siya daw ang dahilan kung bakit galit ang mga ito dahil umurong siya sa kasal. Sa sala si Michael natutulog at nasa kabilang kwarto ang gamit nito.
Enero 2014…sinugod ni Michael ang kasambahay nina Florence na si Jun. Sinisiraan daw siya ni Jun sa ibang tao. Kinuha umano nito ang baril ngunit hindi matukoy ni Florence kung naitutok ba ito kay Jun dahil nasa kwarto siya. “Sige iputok mo!” ang sumunod niyang narinig. Inawat nila ito kasama ang 53 taong gulang niyang ina.
Minsan na din daw nakakita si Florence na may dalang droga si Michael. Sagot nito susubukan niya daw kung totoo.Tinakot pa siyang mag-eeskandalo ito at sisiraan niya si Florence sa pinagtatrabahuan. Nalaman na din daw ng kanyang Lola ang nangyari sa pera. Pinapaalis nila si Michael ngunit ayaw pumayag ng kanyang ina. Kailangan daw muna nitong mabayaran ang inutang na pera.
“Hindi ko alam kung kailan pa siya nanghiram pero ang sabi ni Mama umabot na daw ito ng milyon,” ayon kay Florence.
Nais ni Florence na mapaalis ang lalaki sa kanilang bahay dahil nangangamba sila sa kanilang kaligtasan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Florence.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi mo na kailangang maging NBI agent para maisip na ang ebidensiya (droga) ay hindi iniuuwi.
Ang pakiramdam ni Florence nasa panganib ang kanyang buhay kaya’t iminungkahi namin sa kanya na para hindi na makalapit si Michael maaari siyang humingi ng Barangay Protection Order (BPO) at agad naman siyang bibigyan nito at tatagal ng tatlumpung araw. Sapat na panahon ito para ika’y makapaghain ng temporary protection order (TPO) sa korte na kapag may merito ay ibibigay naman sa ‘yo na may bisa ng tatlumpung araw. Ang iyong inirereklamo ay hindi pwedeng lumapit sa ‘yo ‘within 200 meters radius’. Hindi rin siya pwedeng pumunta sa bahay mo o sa lugar na iyong pinagtatrabahuan. Ang Hukom naman ngayon ay magdedesisyon at kung kakatigan niya ang iyong kahilingan maglalabas ito ng tinatawag na ‘Permanent Protection Order’ (PPO) para hindi ka na niya magambala pa.
Humingi kami ng tulong sa hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Director Benjamin ‘Benjie’ Magalong at inatasan niya si PSSupt. Rudy Lacadin, Deputy Director for Operations ng CIDG para aksiyonan ang problema ni Florence. Pumunta ang tauhan ng CIDG dun at sinabihan itong si Michael na lisanin ang bahay. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest