EDITORYAL – Sana, naging disiplinado rin sa pagtatapon ng basura
NAGING disiplinado ang mga taong nag-abang sa pagdaan ni Pope Francis. Hindi sila nagtulakan, nagkagulo o gumawa ng anumang ikasisira sa limang araw na pagbisita ng Santo Papa. Naipakita sa mundo na may disiplina rin ang mga Pinoy habang nasa pila. Puwede na ring maihanay sa mga taga-South Korea kung ang disiplina rin lang sa pagpila ang pag-uusapan. Puwede na rin sigurong chalk ang isulat sa kalsada para magsilbing guide o marka. Nang magtungo si Pope Francis sa South Korea, noong nakaraang taon, chalk lang ang iginuhit bilang marka at wala ni isa mang Koreans na lumampas sa guhit. Kaya rin ito ng mga Pinoy. Magagawa rin ito ng mga Pinoy sakali’t bumisita uli si Pope Francis sa bansa.
Pero kung naging disiplinado ang mamamayan sa pagpila, isang malaking kabiguan naman na hindi sila naging disiplinado sa pagtatapon ng kani-kanilang basura. Bagsak sila sa pagkakataong ito sapagkat sobrang dami ang basurang iniiwan nila sa mga lugar na dinaanan ng Papa. Pawang mga basurang plastic ang kanilang iniwan. Mga basurang hindi nabubulok ang walang pakundangan nilang iniwan o itinapon sa lugar na kanilang tinayuan o pinuwestuhan habang hinihintay ang pagdaan ng Papa. Wala na silang pakialam. Tapon dito, tapon doon ang kanilang ginawa. Hindi na nila naisip na ang mga basurang itinapon ang dahilan kaya may pagbaha sa Metro Manila.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), 23 trak ng basura ang nakolekta sa loob ng limang araw na pagbisita ng Papa. Karamihan sa mga basura ay nakuha sa Maynila at Pasay. Ayon pa sa MMDA, sa Luneta pa lamang ay naka kolekta na sila ng 10 trak ng basura.
Naipakita na ng mga tao ang maayos na pila sa pagdalaw ng Papa pero malaking pagkadismaya, nang iniwanan nila ang gabundok na basura. Kailan matututo ang mamamayan na huwag magkalat ng basura. Ipakita na mayroong disiplina.
- Latest