‘Ang huling balikbayan box’
ANG PAMILYA NG Overseas Filipino Workers (OFW’s) hindi lamang pera padala ang inaasahan sa kanilang kamag-anak na nagtratrabaho sa ibang bansa kundi ang pinanabikang mga ‘balik-bayan’ boxes kahit minsan sa isang taon.
Iba naman ang kwentong tampok namin ngayon, dahil ibang padala ang matagal na nilang inaabangan.
Sila ang pamilya Serafin ng Cebu. Kasamang naghihintay sa pagbalik ng Pinay-DH na si Elizabeth Serafin ang mga kaibigan niyang sina Elizabeth “Beth” Berdon ng Bulacan at Lea Villanueva, taga-Quezon City.
Dalawampu’t dalawang taon ng magkakaibigan sina Elizabeth, Beth at Lea-parehong mga dalaga.
Naging malapit sila dahil magkakapitbahay ang dati nilang amo sa East Avenue. Halos tatlong dekadang nagtrabaho si Beth sa kanyang employer. Umalis lang siya nung taong 2011 ng mamatay na ito. Si Lea naman kasalukuyan pa ring kasambahay dun.
“Si Elizabeth 2004 pa lang nag-abroad na. Labing dalawang taon din namin siyang nakasama sa subdivision ng mga amo namin,” ani Beth.
Ayon ka Beth, tinulungan si Elizabeth na makapunta ng Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia ng kanilang simbahan.
Bago umalis ng bansa si Elizabeth pumunta sila sa Cebu sa probinsya nito at nakilala nila ang pamilya Serafin. Ilang buwan makalipas nakaalis na siya ng bansa.
Isang matandang dalaga ang amo niya sa Riyadh. Mabait daw ito at wala siyang naging problema dito. Na-extend si Elizabeth sa Riyadh. Nakapagbakasyon lang daw siya nung taong 2010. Sa Cebu ito dumiresto at namalagi dun ng dalawang buwan.
“Pag-uwi niya naka-abaya na siya. Muslim na daw siya. Gusto raw kasi ng amo niya maging Muslim na rin siya. Zainab na nga daw ang pangalan niya,” kwento ni Beth.
Palitan ng text messages at chat sa Facebook (FB) ang naging paraan ng komunikasyon ng magkakaibigan.
Taong 2011, ikinwento kina Beth ng kasamahan ni Elizabeth na Pinay DH din na nabagok daw ito sa banyo matapos madulas habang naliligo.
Naputol ang litid niya sa paa kaya’t sinemento ito ng tatlong buwan. Ganito man ang kanyang kundisyon, hindi pinauwi ng Pinas si Elizabeth at sa Riyadh na nagpagaling.
Hindi na iba si Elizabeth sa kanyang amo, nanay niya na rin kung ituring ang kanyang matandang alaga sa Riyadh.
Dumating ang taong 2014, nagsimula nang dumaing si Elizabeth sa facebook tungkol sa kanyang kalusugan.
“Madalas daw siyang mahilo. Mababa daw kasi ang dugo niya,” wika ni Beth.
Buwan ng Hunyo parehong taon, dinaing naman niya ang pagkakaroon ng ‘bleeding’. Tumagal ito mula buwan ng Hunyo hanggnang Agosto.
Nagpasuri si Elizabeth sa doktor at niresitahan siya ng gamot.
“Binigyan daw siya ng gamot pampalaglag. Naglabasan daw ang dugo na buo-buo. Ang kwento mali daw ang gamot na naibigay, sabi ng doktor. Binigyan siya ng panibago, umayos na daw,” ayon kay Beth.
Diretso naming tinanong sina Beth kung may alam ba silang karelasyon ni Elizabeth sa Riyadh. Mabilis nilang sagot, “Wala po yung boyfriend, tomboy po yun,” ayon sa magkaibigan.
Nalamang merong mayoma sa matris si Elizabeth. Pinayuhan siya ng doktor na magpa-confine.
Ika-2 ng Nobyembre pinaalam ni Elizabeth na na-admit siya. Mula nun hindi na nila nakontak si Elizabeth.
Isang kababayang DH na si Myra Basilon na minsan daw nagbantay kay Elizabeth ang tanging nagbabalita sa kanila sa pamamagitan ng chat sa FB.
Nitong huli sinabi daw ni Myra na naoperahan na sa ulo si Elizabeth. Nagtaka sila Beth at Lea kung bakit binuksan ang ulo nito gayung mayoma ang alam nilang sakit ng kaibigan.
Nobyembre 26, 2014, binalita na lang sa kanilang patay na si Elizabeth at kasalukuyan itong nasa freezer sa morgue sa King Saud Hospital umano.
Tumawag ang amo ni Elizabeth sa kapatid niya sa Cebu na si Editha at pinarating ang masamang balita. Sinabi nitong i-follow up ang mga dokumento sa sa embahada para maiuwi ang bangkay. Sinabi naman daw na kinakailangang sa Riyadh sila magpunta dahilan para magpunta sila sa aming tanggapan.
Itinampok namin magkaibigan sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
Kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis. Nilinaw ni Usec. na kung ito’y converted na sa Islam bago sikatan ng araw kailangan ng mailibing ang bangkay. Gayun pa man kung nakitaan ng ‘foul play’ o nagkaroon ng ‘malpractice’ sa pagkamatay, at ito’y hindi natural causes, ito ay isang ‘forensic case’ hindi ito pwede basta na lang ilibing at ito’y dadaan pa sa proseso ng pag-iimbestiga.
Sinabi ni Usec. Seguis na aalamin niya sa Ministry of Health kung saang ospital naroon ang katawan ni Elizabeth.
Nakatanggap kami ng email galing kay Ambassador Ezzedin Tago ng Riyadh Kingdom of Saudi Arabia at sinabing nakausap na niya si Mr. Rico Silva, ang in-charge para sa pagpapauwi ng bangkay ni Elizabeth.
Ayon pa sa email, ang pagkamatay ni Elizabeth ay nireport ng anak ng amo nito sa embahada. Base sa report ng pagkamatay ni Elizabeth ang dahilan daw ay natural death.
Kinokontak na ngayon ni Mr. Silva ang pamilya ni Elizabeth sa Cebu at hiniling na papuntahin sila sa DFA-Cebu para makapagsumite ng ‘affidavit of acceptance’ para sa labi ni Elizabeth para makumpleto na ng kanyang employer ang mga dokumento sa pagpapauwi ng bangkay ng Pinay.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang hindi ko maintindihan ay kung si Elizabeth ay namatay sa ‘natural causes’ walang ‘foul play at hindi ‘medico legal case’, bakit tumagal ng ganun?
Lalo akong nagtataka kung siya’y nagpalit ng relihiyon at isa ng Islam, dapat nailibing na agad siya dun bago lumubog ang araw.
Ano man ang dahilan kung bakit naantala ang kanyang pagbalik, kung yun ang kahilingan niya at sinunod ng mga opisyales duon, ibabalita namin sa inyo agad.
Sa ngayon ginagawa na ng ating embahada ang kanilang makakaya para maiuwi ang bangkay ni Elizabeth para naman masilayan siya ng kanyang mahal sa buhay sa huling sandali.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest