Purihin
DAPAT lang purihin sina Acting PNP Chief Leonardo “Dindo” Espina at Acting MPD Director SSupt. Rolando Nana sa pagiging generally peaceful ng kapistahan ng Quiapo. Kasi nga bagama’t mga Acting pa lamang sila sa kanilang puwesto, nagampanan naman nila na mabigyan ng seguridad ang mga namamanata sa Itim na Nazareno. Bagama’t may dalawang tao ang nasawi at dose-dosena ang nasugatan, wala namang naiulat na karahasan sa mahigit na 19 oras na prusisyon, maging ang kapaligiran ng Quiapo ay walang naiulat na away o patayan. Maliban na lamang sa pamamayagpag ni Marissa sa may paanan ng Quezon Boulevard overpass. Wala kasing aksyon si Station-3 chief Supt. Aldrin Gran sa pasugal ni Marissa na color games dahil dito nanggagaling ang datung na naibubulsa niya, hehehe! Kung sabagay weather-weather lang iyan dahil baka magising si Espina at Valmoria sa mga darating na araw tiyak na maitatapon din si Gran sa Mindanao. Nakalusot kasi ito sa pananaw ni Nana dahil nakatuon pa sa seguridad ng Santo Papa.
Ngunit hindi pa dapat magkukuya-kuyakoy sina Espina at Nana dahil ang Maynila ay sentro ng pagtitipon sa pagdating ni Pope Francis. Tinatayang 15 milyong katao ang dadalo sa misa ni Pope Francis Sa Quirino Grandstand at University of Sto. Tomas bago ito magtu-ngo sa Tacloban, Leyte. Kung inyong napapansin halos lahat nang kapaligiran ngayon mula sa Ninoy Aquino International Airport hanggang Maynila ay sangkaterba ang mga pulis na nakakalat. Kasi nga may mga pulis na nanggaling pa sa mga probinsiya ang hinakot upang idagdag sa kapulisan ni NCRPO director Carmelo Valmoria. Maging si MMDA chairman Francis Tolentino ay nagpakalat ng mga constables niya sa lahat ng sulok ng Pasay, Parañaque, at Manila itoy upang magwalis ng mga yagit at magsaayos ng daloy ng trapiko. Kaya ang payo ko sa mga KSP (Kulang sa Pansin) nating mga kababayan umiwas muna sa pagdaraanan ni Pope Francis, tulungan natin ang mga pulis at lahat ng ahensya ng pamahalaan sa pagsasaayos ng ating kapaligiran nang hindi tayo mapulaan ng mga turista.
Kaya sa Huwebes ay iwasan muna ang NAIA Road mula Airport, Roxas Boulevard, P. Burgos, Espana at itong Taft/Quirino Avenue intersection dahil ito ang pangunahing kalye na pagdadaraanan ni Pope Francis. Kung sabagay hindi lamang Metro Manila ang puspusan ang paghahanda sa ngayon dahil maging ang Tacloban, Leyte ay bantay sarado na rin ng mga pulis at sundalo. Kaya mga suki, tumulong tayo sa pagbibigay ng katahimikan sa ating bayan dahil nakasasalay rito ang kredibilidad ng ating bansa. Ngunit kung puspusan man ang kampanya nina Espina, Valmoria at Nana sa pagbibigay ng seguridad sa Maynila, aba’y diyan pala sa may ibaba ng Quiapo overpass ay largado naman ang Perngalan ni Marissa. Mukhang hindi man lamang kumikilos si Supt. Gran sa garapalang sugal sa kanyang nasasakupan. Noong kapistahan ng Quiapo ay tumabo ng limpak-limpak na datung si Gran mula kay Marissa. Patunay lamang ito na walang pakialam si Gran sa kautusan ni Valmoria laban sa Perngalan. Abangan!
- Latest