‘Integridad, respeto at tiwala’
MARAMI sa mga “lider” o namumuno, mapa-pribado man o pampublikong tanggapan, nag-aasam-asam ng integridad.
Inaakala na ito ay nahihingi at madaling makuha. Na palibhasa’y iniluklok sila sa pwesto, nahalal o sadyang “pinagkatiwalaan” ng kanilang patron, kaakibat na nito ang tiwala at respeto.
Hindi na pinag-uusapan kung epektibo ba sila o may kakayahang mamuno sa kanilang mga hurisdiksyon at pinamumunuan.
Sa anumang tanggapan, ahensya o organisasyon, napakahalaga ng kalidad ng namumuno at uri ng pamumuno ng isang lider.
Subalit, ang hubo’t hubad na katotohanan, maraming mga namumuno binigyan ng posisyon ng wala sa lugar.
Wala sa kanilang bokabularyo ang salitang mapagkakatiwalaan, integridad, paggalang at respeto sa kapwa.
Bagkus, ang kapansin-pansin nilang mga katangian ay ang pagiging makasarili, manhid, arogante, malakas ang kumpyansa sa sarili, at kampanteng-kampante sa kanilang mga pinaggagawa.
Sinumang nasa ibaba nila, hindi mahalaga. Basta para sa kanila sila lang ang dapat manguna, may boses, magde-desisyon, mamuna at magdikta.
Hindi nila nauunawaan ang totoong pakahulugan ng integridad. Hindi ito ipinagkakaloob. Ito ay nakakamtan base sa sinasabi, ginagawa at resulta ng mga pinaggagawa, Walang anumang bahid ng pamumulitika at higit sa lahat may takot sa Diyos.
Hangga’t hindi nakikitaan ng mga nabanggit na kata-ngian ang isang namumuno, hindi niya makakamtan ang tiwala at respeto na kaniyang inaasam-asam.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest