Hindi iba ang Pilipinas
NABALITAAN natin ang karahasan na naganap sa Paris, France. Dalawang armadong kalalakihan ang lumusob sa tanggapan ng Charlie Hebdo, isang pahayagan sa France. Labindalawa ang pinatay, kabilang ang editor at isang pulis. Kilala ang nasabing pahayagan sa kanilang “cartoon editorials”, na kadalasan ay pagtuya sa Islam at propetang si Muhammad, na matagal nang ikinagagalit ng mga Muslim sa buong mundo. Ilang beses na ring nakatanggap ng banta ang pahayagan, dahil nga sa mga inilalabas nilang mga patuya. Marami na rin ang nagbabala sa kanila hinggil sa kanilang patuloy na panunuya sa Islam. Noong 2011, binomba ang kanilang tanggapan. Walang napinsala, pero malakas na mensahe ang ipinadala sa kanila.
Pero ang tanong, tama ba na ganito ang reaksyon sa paniniwala ng marami na kalayaan sa pagsasalita, na pundasyon ng malayang pamamahayag? Tandaan na ang France ay demokratikong bansa. Mainit nga ang debate ngayon sa isyung ito, kung saan ang mga magkatunggali ay ang mga nagsusulong ng malayang pamamahayag, kontra ang mga humihingi ng respeto, partikular sa aspeto ng relihiyon. Marami ang nagsasabi na kasalanan ng pahayagan kaya sila inatake. Pero mahirap yatang tanggapin iyan, dahil hindi ba ganyan ang naganap noong martial law, kung saan hindi malaya ang mamamahayag? Pinaghirapan nang marami ang malayang pamamahayag para matakot sa mga ganitong pangyayari.
At dahil sa naganap na pag-atake sa pahayagan, lalong lumakas ang suporta para sa kanila. “Je suis Charlie”, o “Ako si Charlie” sa Tagalog, ay makikita sa maraming lugar, pati sa internet, bilang suporta sa sinalakay na pahayagan. Lalong naglabasan ang mga karikatura na nagpapatuya sa mga militanteng Muslim. Masasabi ba nating nasa peligro na rin ang kanilang mga buhay dahil sa kanilang pagsuporta sa inatakeng pahayagan? At hindi ba terorismo ang tawag dito, na kasalukuyang nilalabanan ng buong mundo?
Dito dapat malinaw ang pagkakaiba ng mga Muslim na sumusunod sa kanilang turo, sa mga teroristang gusto lamang manggulo sa mundo. Sa mga Muslim mismo, magkakaiba ang pananaw pagdating sa aspetong ito. Wala raw sa kanilang pagtuturo ang karahasan, pero ayon naman sa iba, ito ang pamamaraan para maging martir at magantimpalaan sa kabilang buhay. Ito ang mga nilalabanan ng buong mundo ngayon. Sa mga bagong insidenteng ito sa France, malinaw na malayo pa ang tagumpay laban sa mga terorista ng mundo. Malayo pa ang tunay na kalayaan para sa lahat, partikular sa mga mamamahayag. Hindi tayo iba sa mga kaganapan sa France, at patuloy na nasa peligro ang mga buhay nang maraming mamamahayag. Kailan lang ay may pinatay na mamamahayag sa Bataan. Umabot na 172 ang mga pinatay na mamamahayag magmula noong panahon ni Marcos at 31 naman sa administrasyong Aquino.
- Latest