EDITORYAL – Natapalan din?
NADISKUBRE ng mga agent ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pera na nagkakahalaga ng P700,000 sa detention center na kinaroroonan ng 20 high-profile inmates. Nakita ang mga pera sa basurahan at tangke ng inidoro. Noong una, ay wala raw umaangkin sa mga pera pero nang sabihin ng NBI na ido-donate na lamang ang mga ito sa charity ay bigla na lamang inangkin nina Amin Imam Buratong, Herberrt Colangco, Michael Ong at George Sy. Ang mga nabanggit ay mga VIP sa Bilibid kasama ang 16 na iba na nilipat sa NBI detention center noong Disyembre makaraang madiskubre ang drug trade sa loob ganundin ang magarbo nilang pamumuhay na parang nasa five-star hotel.
Sabi ng apat na may-ari ng P700,000 ang pera raw ay dala pa rin nila mula sa Bilibid. Itinago raw nila kaya hindi nakita ang mga ito ng guwardiya nang ipasok sila sa NBI. Kabilang daw ang perang iyon sa mga nakumpiska sa Bilibid nang magkaroon ng raid.
Mukhang umaalingasaw din sa baho ang NBI. Nakapagdududa kung paano naipasok ng mga high-profile inmates ang pera na hindi nakita ng NBI. Wala ring ipinagkaiba sa mga guwardiya sa Bilibid na hindi nakita ang mga pinasok na baril, pera, mamahaling bag, belt, Jacuzzi, aircon, kama, ref, cell phones, gadgets at marami pang iba.
Mukhang walang ipinagkaiba ang NBI sa mga taga-Bilibid na natatapalan din ng pera para maipasok ang anumang gustuhin ng 20 VIPs. Hindi na nakapagtataka na sa mga darating na araw ay makakakita na rin ng mga kakaibang gamit sa NBI na kagaya ng Jacuzzi, kama, aircon, cell phone at sino ang makapagsasabi, baka magkaroon ng shabu lab. Ang NBI detention ay mas malapit kumpara sa Muntinlupa at maaaring mas maging madali ang transaksiyon.
Kung naging mabangis si Justice Sec. Leila de Lima sa pagsalakay sa Bilibid noong nakaraang buwan, dapat na maging mabagsik siya sa sariling bakuran. Nakakahiya kung sa NBI mag-operate ang mga salot na convicted drug lord. Malaking kasiraan ito sa sinimulan ni De Lima. Basagin ang mga salot bago siya ang mabasag ng mga ito.
- Latest