EDITORYAL – Nagliparan muli ang mga ‘ligaw na bala’
MARAMI pa rin ang mga may “utak-pulbura”. Marami ang nagpaputok ng baril at mayroon na namang namatay sa ligaw na bala. Ayon sa Philippine National Police (PNP), 56 na insidente nang pagpapaputok ng baril ang naitala habang pinagdiriwang ang Bagong Taon. At sabi ng PNP, 12 ang kanilang naaresto.
Isa sa mga biktima ng ligaw na bala ay isang 11-anyos na batang babae sa Bgy. Bumagcat, Tayum, Abra. Naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang bata dakong 12:20 ng hatinggabi nang biglang bumagsak. Kasunod ay ang paglabas ng dugo sa mga taynga nito. Isinugod ang bata sa ospital pero namatay din dakong alas-tres ng madaling araw. Ayon sa PNP, bala mula sa kalibre 45 ang nakapatay sa bata. Nanawagan ang pulisya sa sinumang nakakita sa nagpaputok na lumantad para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng bata. Ayon sa magulang ng bata, Grade 4 na ang kanilang anak at matalino.
Halos kasabay naman ng insidenteng iyon, isang 13-anyos na dalagita sa Tala, Caloocan City ang tinamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo. Naglalakad umano ang dalagita nang may maramdamang tumama sa kanyang ulo. Inakala umano ng mga kasama ng dalagita na bato lamang ang tumama sa ulo pero nang makaranas ito ng pagsusuka at pananakit ng ulo ay dinala na nila sa Jose Rodriguez Hospital sa Caloocan. Tinahi ang sugat na inakalang tinamaan lamang ng bato. Ganunman, nang isailalim sa x-ray ang dalagita, nakita ang bala sa ulo nito. Dinala sa East Avenue Medical Center ang bata at nakatakdang operahan.
Ganyan din ang nangyari kay Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City noong Disyembre 31, 2013. Tinamaan siya ng ligaw na bala habang masayang nanonood ng mga nagpapaputok ng firecrackers. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli ang nakapatay kay Nicole. Ganito rin kaya ang kahihinatnan ng bagong kaso na nangyari sa Abra at sa Caloocan?
Sana naman, magpakita ng kaseryosohan ang PNP sa paghanap sa mga mamamatay-tao para mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Hindi sana mapabilang (muli) sa unsolved cases ang mga bagong biktima ng stray bullet.
- Latest