Lalaking nagpa-‘sex change’
IPINANGANAK si Romy noong Abril 4, 1962. Ang nakarehistro niyang pangalan ay “Romy Silos” at ang nakasaad niyang kasarian ay lalaki. Ngunit mula pa sa pagkabata, pakiramdam niya, isa siyang babae. Kumunsulta siya sa iba’t ibang doktor sa United States upang mapalitan ang kanyang kasarian. Natupad ang pangarap ni Romy nang maoperahan siya sa Bangkok, Thailand noong Enero 7, 2001 para maging ganap na babae. Pagkatapos, sinuri siya ng isang doktor sa Pilipinas na nagpatunay na sumailalim siya sa sex change.
Simula noon, nabuhay na si Romy bilang babae. Nagkaroon siya ng nobyong Amerikano at nakatakda na silang magpakasal. Bago iyon, nagsampa ng petisyon sa husgado si Romy upang mapalitan ng “Remy” ang pangalan niyang “Romy” na nakasaad sa birth certificate at ang kasarian naman niyang lalaki ay mapalitan ng babae. Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang husgado pabor kay Romy. Hindi raw maaaring isisi kay Romy na ang maging pakiramdam ay babae at wala namang masama kung pagbigyan ang kanyang petisyon. Tama ba ang husgado?
MALI. Una sa lahat, hindi maaaring palitan ang pangalan sa birth certificate dahil lamang sa ginawa na “sex re-assignment”. Isang pribilehiyo lamang ang pagpapalit ng pangalan at hindi isang karapatan. May interes ang republika sa mga pangalan ng tao kung kaya kinokontrol ang ginagawang pagpapalit ng pangalan sa pamamagitan ng batas (Republic Act 9048). Mas maituturing na isang tungkuling administratibo ang proseso ng pagpapalit ng pangalan. Ito’y ginagawad ng Civil Registrar at hindi ng husgado. Mapapalitan lamang ang pangalan ng isang tao kung ito ay katawa-tawa, kaakibat ng isang kahihiyan, mahirap isulat o kaya’y mahirap bigkasin. Kailangan din na nakasanayan na sa komunidad ang pangalang ipapalit, matagal na ginagamit at makakabawas sa kalituhan ng mga tao. Sa RA 9048 ay hindi maaaring baguhin ang pangalan dahil lamang sa ginawang pagpapalit ng kasarian. Malaking kalituhan at mas magiging kumplikado ang mga rekord kung gagawin ito.
Ang pagpapalit ng nakalagay sa birth certificate tungkol sa kasarian ay dadaan muna sa husgado ayon sa Artikulo 407 at 408 (Civil Code). Hindi binanggit o kinilala sa batas ang pagpapalit ng pangalan dahil sa ginawang pagpapalit ng kasarian. Ang kasarian ng isang tao ay nalalaman sa oras na siya ay ipinanganak. Ang komadrona/doktor ang mag-uulat ng kasarian nito base na rin sa ari na mayroon ang sanggol. Hindi ibinibilang sa nasabing klasipikasyon ang tungkol sa mga nagpa “sex reassignment”.
Mali na sabihing wala namang masama kung sakali at payagan ang pagpapalit ni Romy ng kasarian. Magkakaroon ito nang malawak at seryosong implikasyon sa lipunan. Isa sa pinakamahalagang institusyon ang kasal. Ang kasal ay maaari lamang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Kapag pinayagan ang petisyon ni Romy, mababago ang konsepto ng kasal. Matatanggap na ang pagpapakasal sa pagitan ng isang lalaki at ng kapwa niya lalaki na nagkaroon ng sex reassignment. Mababago rin ang mga batas natin lalo at tungkol sa mga karapatan ng babae sa lipunan, sa kanyang trabaho, sa kanyang karapatan bilang tagapagmana at marami pang iba (Silverio vs. Republic, G.R. 174689, October 22, 2007).
- Latest