Kulturang pasaway
BAGONG TAON na sa Huwebes at ngayon pa lang, ayon sa datos ng pamahalaan ay mataas na ang bilang ng mga naputukan ng rebentador. Paano pa kaya pagkatapos ng selebrasyon ng Bagong Taon? Siguradong close-up photos ng mga kamay na gutay-gutay at namusarga dahil naputukan ng rebentador ang bubulaga sa atin sa mga pahayagan.
Mahirap pagbawalan ang ating mga kababayan. Kahit taun-taon ay nalalathala sa mga pahayagan at napapanood sa telebisyon ang mga taong naputulan ng kamay o daliri dahil sa mga malalakas na rebentador.
Dahil dito, pati Malacañang ay umaapela na sa taumbayan na umiwas sa paggamit ng malalakas na paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ani Press Sec. Herminio Coloma Jr., makabubuting gumamit na lang ang taumbayan ng mga torotot kaysa magpaputok para iwas-disgrasya. Madaling magbigay ng paalala pero kung susunod o hindi ang mamamayan ay walang kaseguraduhan. Kultura na kasi natin iyan eh na ginagawa pa noong panahon ng Kastila.
Isang Pilipinong imbentor na nagngangalang Francisco Pagayon ang nakaimbento ng tinatawag ngf electronic fireworks. Pulos sound effects lang ang maririnig dito at hindi nakapipinsala. Pero handa na kaya ang mga Pinoy na bumaling sa ganyang sistema. Mukha kasing walang “thrill.”
Political will ang kailangan sa pagbabawal sa mga malalakas na rebentador. Mayroon na tayong batas laban sa paggawa ng mga malalakas na rebentador pero hindi nasusunod. Malaking industriya rin kasi ang pyrotechnics at maraming negosyante at trabahador ang maaapektuhan kungmawawala ang mga iyan.
Pero alin ba ang importante: ang kapakanan ng mga negosyante o ng mga mamamayan na nagtataya ng buhay tuwing magdiriwang ng Bagong Taon?
Sa ngayon ay itinaas na ng Department of Health (DOH) ang Code White alert, sa lahat ng pampublikong pagamutan sa buong bansa upang mabigyan ng agarang tulong ang lahat ng ating mga kababayang posibleng maging biktima ng mga paputok.
- Latest