EDITORYAL – ‘Bilibid or Not’
MAAARING makasali sa sikat na Ripley’s Believe It or Not ang nangyayari ngayon sa New Bilibid Prison (NBP). Maaaring kauna-unahang bilangguan na mapapabilang sa Ripley’s dahil sa kamangha-mangha at di-kapani-paniwalang pangyayari. Akalain n’yo bang naipasok ang mga baril sa NBP na hindi man lamang nalaman ng mga opisyales ng Bureau of Corrections (BuCor) partikular ang director na si Franklin Bucayo.
Only in NBP na naipasok ang mga baril sa loob na hindi nakita ng mga jailguard. Kakabilib ito. Ang mga baril na nakumpiska ay kinabibilangan ng Walther PPK, Bushmaster 5.56-mm, Browning 9-mm handgun at Taurus 9-mm. Nakumpiska ang mga baril sa kubol o quarters ni convicted drug lord Peter Co.
At mas matindi, ang mga baril na nadiskubre ay nasa pangalan ng mga kongresista. Apat na kongresista ang sinasabing nagmamay-ari ng mga baril.
Ngayon ay tumitibay ang paniniwala sa mga napabalita noon na may mga inmate na inilalabas ng bilangguan para magsagawa ng pagpatay. Sa “loob” nanggagaling ang mga “hired killer” kaya walang takot kung pumatay ang mga ito. Kapag napatay na ang target, ipapasok na muli sa NBP ang mga killer. Kung iisipin, kaya marahil hindi mahuli-huli ang mga suspect sa pagpatay ay dahil nasa loob na ito. Kahit ano pa ang gawin ay hindi mahuli ang hired killer.
Patuloy ang 20 convicted drug lords sa pagsasagawa ng kasamaan sa loob. Patuloy ang kanilang negosyong shabu at tumatabo sila ng pera. Limpak ang nakuhang pera sa mga kubol ng drug lords at pinaniniwalaang galing iyon sa negosyong droga. May mga nakuhang pambilang ng pera.
Nasimulan na ng DOJ ang pagbasag sa mga convicted drug lord, sana, huwag nang tigilan ang mga ito. Ipagpatuloy ang pagbasag sa iba pang salot sa NBP. Sibakin ang lahat ang opisyal ng BuCor at pati mga personnel para wala nang kakutsaba ang mga drug lord. Isamang sibakin ang mga tiwaling guwardiya. Kakahiya ang mga nangyayari sa NBP na nagiging pugad ng droga at iba pang masamang gawain.
- Latest