^

PSN Opinyon

Pinoy ‘tea boys’ sa Riyadh

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

LIKAS sa ating mga Pinoy ang maging matiisin. Kapag maikli ang kumot, namamaluktot. Kapag kapos sa pera, naghihigpit ng sinturon. Nakukuhang ngumiti kahit kumakalam na ang sikmura subalit kapag ang kanilang pamilya at anak na ang kumakalam ang tiyan, aalma na sila.

Wala ng trabaho, isang beses sa isang araw na lang kumain at itlog lang ang tanging ulam. Ganito na umano ang sitwasyon ng asawa ni ‘Cecil’ at ng ilang kasamahan sa loob ng ahensya nila sa Riyadh ang Delta Seas Est.

Ipinatawag silang mga Pinoy, pinasuot ng uniporme, pinapila at isa-isang tinitigan. “Yung ilan sa amin ginawang janitor. Ang matatangkad at maganda ang mga matikas ginawa namang ‘tea boy’ o taga timpla ng tsaa,” ayon kay Marcos “Mac” Soliva, 28 anyos, asawa ni Cecil.

Si Cecilia Soliva o “Cecil”, 35 taong gulang ay misis ng isa sa 13 Pinoy Workers na nasa Riyadh, Saudi Arabia na gusto ng makabalik sa ating bansa.

“Hindi nga sila pinaalis sa libreng tinutuluyan sa ahensya… kumakalam naman ang sikmura nila sa gutom,” wika ni Cecil.

Halos isang dekada ng kasal si Mac at Cecil. Meron na silang isang anak. Laking Caloocan si Cecil, si Mac naman tubong Nueva Ecija.

Taong 2005, nang ibigay ng katrabaho ni Mac sa konstraksyon ang cellphone number ni Cecil. Naging mag-textmates ang dalawa. Mabilis ang naging pangyayari at naging sila agad.

Bago matapos ang taon pumunta sila sa probinsya ni Mac at inayos ang kanilang kasal. Ika-30 ng Setyembre 2007 nang sila’y magkaanak.

Pagtatanim ng sibuyas ang pinagkakakitaan ng pamilya ni Mac. Nagpabalik-balik sila sa Maynila at Nueva Ecija. Nang mamatay ang ama ng mister, sa Caloocan na sila tumuloy.

Sa mga pabrika ang naging trabaho ni Mac. Minsan pahinante siya at nitong huli ‘machine operator’ naman siya sa pagawaan ng plato.

Tatlong taon siyang nagtrabaho rito subalit hindi raw naging regular na empleyado si Mac. Kada limang buwan nire-renew ang kanyang kontrata.

Ito ang naging dahilan kung bakit nung Enero 2014, naisip ni Mac na mangibang bansa. Nirekomenda siya ng kapatid ng bayaw ni Cecil sa M&P Employment Inc. sa Ermita, Manila.

“Sinabi nilang kailangan nila nun ng 300 Janitors na magtatrabaho sa Riyadh. Ang usapang P15,000 ang sahod at P2,000 pa matatanggap nilang allowance,” kwento ni Cecil.

Mabilis na nilakad ni Mac ang kanyang mga dokumento. Nagbayad din siya ng halagang P15,000 para sa placement fee.

Mayo 10,  2014 nakaalis ng bansa si Mac. Kasabay niya ang 12 pang Pinoy na puro Ilocano. Inabutan sila ng ‘Ramadan’ kaya dalawang linggo rin silang walang pasok at nanatili lang sa kanilang tinutuluyan sa Delta Seas Est.

Nung unang araw nila, bago sila pumasok sa trabaho, pinapila sila habang suot ang mga uniporme at pinili kung sino ang magiging Janitor at tea boy (taga timplang tsaa) sa Ministry of Health.

Dahil matangkad si Mac, napili siyang isa sa mga tea boy. Ala sais ng umaga hanggang alas dos ng hapon ang pasok nila sa Ministry of Health.

Wala silang problema sa gawain dun, magaan ang trabaho at mababait ang kanilang mga amo na mga doktor.

“Tatawagin lang sila kapag magpapatimpla ng tsaa. Kapag wala silang ginagawa naglilinis lang sila dun,” sabi ni Cecil.

Kapag inuutusan silang mamalengke kalahati ng pagkaing kanilang binili ibibigay daw sa kanilang mga Pinoy. May tip pang kasama ito.

Walang ng mairereklamo sina Mac dun subalit ang naging problema nila ay ang mismong ahensyang nagpapasahod sa kanila. Lagi raw huli ang bigay ng sweldo ng Delta Seas Est sa kanila. Hindi rin daw nasunod ang kanilang kontrata at naging P10,000 ang sahod nila. Inisip nila ang perang mapapadala sa kanilang pamilya kaya’t hindi na lang sila umangal.

Habang tumatagal mas lalong nahuhuli ang kanilang pasahod kaya’t may mga pagkakataong nagkakasundo silang mga Pinoy na hindi pumasok sa Ministry of Health. Bagay na inintindi naman umano ng mga among doktor.

“Sila pa nga raw mismo ang nagsabi sa asawa ko at mga kasamahan niya na magreklamo sila para makuha ang kanilang sahod,” ani Cecil.

Nagpunta sila sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), Riyadh. Pinatawag ang representante ng Delta East na mga ‘Egyptian’ umano at pinagharap ang tatlong kasamahan nilang Pinoy.

Nagpagkasunduan daw ng mga itong iuwi na lang sila ng Pinas.

“Ang sabi nila wala na raw silang pansahod…” ayon kay Cecil.

Binigyan na ng ‘exit visa’ sina Mac at nakipagtulungan na raw ang ahensya nila sa Pinas ang M&P Employment at pinauwi na ang unang ilang kasamahan nila. Ngayong dalawang batch pa silang naghihintay na mapauwi.

Kwento raw ni Mac na nanghihingi ang Delta Seas Est ng 500 Riyals sa M&P Employment, bayad daw sa Placement Fees. Kabilang sa mga OFW’s na ‘di pa napapauwi sina Christoper Pascua, Gerome Malate, Ron James Ratin, Richard Callanta, Ricky Jacob, Louie Gayam at Jonathan Milan.

“Mga kasama lang yan ng asawa ko sa kwarto may nasa ibang kwarto pang mga Pinoy workers na nakatengga dun,” sabi ni Cecil.

Ito ang dahilan ng pagpunta ni Cecil sa aming tanggapan. Itinampok namin si Cecil sa ‘CALVENTO sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).

Aming kinausap sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) para ilapit ang kaso ng mga Pinoy Janitors at Tea boys sa nasabing ahensya. Para matulungan sina Mac, pina-email sa amin ni Usec. Seguis ang mga impormasyon tungkol kay Mac para agad maaksyunan ng ating embahada sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, habang papalapit na ang Pasko, padami ng padami ang bilang ng mga pamilya ng OFW’s natin sa ibang bansa, madalas sa Gitnang Silangan na nagrereklamo sa pasahod ng mga employer.

Ang ilan sa mga OFW’s natin dun, natitiis ang ilang buwan… inaabot pa nga ng taon kung minsan na hindi muna sila pasahurin subalit sa panahon ng kapaskuhan malaking bagay ang makapagpadala sila sa kanilang pamilya. Kaya’t ganun na lang sila kapursigido na makuha ang sahod na ‘di naibigay sa kanya para maipadala nila sa kanilang pamilya sa Pinas na umaasa na magdadaos sila ng masaganang Pasko at Bagong taon.

Sa sitwasyon ni Mac at iba pang kasamahan, kung hindi ito maibibigay sa kanila, mas pipilin nilang umuwi na lang kahit walang pera at pasalubong na bitbit, basta makasama ang kanilang pamilya kahit sa simpleng Noche Buena at salubong sa paparating na taong 2015.(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landlines 6387285 / 7104038.

vuukle comment

CECIL

LEFT

MAC

PINOY

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with