Iba talaga kapag handa
SALAMAT naman at humina ang Bagyong Ruby nang tumama na sa bansa. Bagama’t malakas pa rin ang hangin at ulan, hindi naman maikukumpara sa Yolanda ang pinsala. Gawa na rin ito sa paghanda ng marami bunsod ng mga leksyong natutunan sa Yolanda. Mismo ang Palasyo ang nagpahayag na iba talaga kapag handa. Malungkot at may mga ilang nasawi pa rin. May mga tumagilid na poste ng kuryente kaya walang kuryente na muna sa mga lugar na unang tinamaan. May mga nasira pa ring mga bahay at gusali, partikular ang mga malapit sa dalampasigan. Patunay muli na hindi na dapat nagtatayo ng mga tahanan sa lugar na ito. May patakarang “no-build zone” na gustong ipatupad ng gobyerno, pero marami pa rin ang hindi sumusunod at sa karagatan kasi sila naghahanap-buhay. Ang Tacloban na hindi naman direktang tinamaan ay nakaranas muli ng malakas na bagyo, pero hindi pa rin ito sapat para masaboy ang kanilang damdamin. Nang humupa ang hangin, agad na silang nagtrabaho para makabangon muli.
Marami rin ang lumikas at nagtungo sa mga itinalagang evacuation center, para malayo sa panganib. Sa ngayon ay tuloy pa rin ang pagtahak ng bagyong Ruby patungong kanlurang bahagi ng bansa. Humina na, pero ang pangamba naman ay kung may dalang matinding ulan at baha naman ang peligro, lalo na’t napakabagal ng takbo ng bagyo. Lalapit ang bagyo sa Metro Manila Lunes ng hapon o Martes ng umaga. Kinansela na nga ang pasok noong Lunes sa lahat ng lebel. Sana malusaw na nang husto.
Nakakatuwa naman at may labing-isang bansa na ang nangakong tutulong sa mga masasalanta ng bagyong Ruby. Hindi na sila kailangang hingan at kusang tutulong na kaagad. Malaking bagay ito at kulang pa rin tayo sa kagamitan at kakayanan pagdating sa mga malalaking kalamidad, pero ito ang sinisikap na rin ng administrasyong Aquino na mabago dahil taun-taon naman tayong hinahagupit ng malalakas na bagyo.
Sana naman ito na ang huling bagyo para sa taong ito. Ayokong isipin na may papasok pang bagyo sa kasagsagan ng bakasyon at selebrasyon. Oras na para magpasalamat at magsaya sa taong matatapos. Oras na para gunitain ang taong nakaraan, mga biyaya pati na rin mga pagsubok na nagpapalakas sa ating lahat. At oras na rin para paghandaan ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa, lalo na sa mga nasalanta ng bagyo.
- Latest