EDITORYAL – Trapik dahil sa paghuhukay
GRABENG trapik ang nararanasan sa Metro Manila. Pinaka-matindi ang nararanasan sa paligid ng Port Area. Labu-labo na dahil sa mga truck na binawalan ng MMDA na makadaan sa Roxas Boulevard. Mga truck daw ang dahilan ng trapik sa Maynila.
Pero ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tinuturong dahilan kaya nagkakabuhul-buhol ang trapik. Hindi pa raw kasi tinatapos ng DPWH ang mga paghuhukay at pagre-repair sa mga pangunahing kalsada. Sa Maynila ang may pinakamaraming paghuhukay sa kalsada na halos mahigit isang taon na. Karamihan sa mga hinuhukay ay sa Sta. Cruz area.
Tiyak na lulubha pa ang trapik sa mga dara-ting na araw dahil papalapit na ang Pasko. Sabi ng MMDA, dapat dalawang linggo bago mag-Christmas ay suspendido na ang mga paghuhukay at wala nang mga obstruction sa kalsada. Pero hindi natupad ang sinabi ng DPWH. Dahil sa mga paghuhukay kaya naantala ang pagpapatupad ng Christmas lanes.
Isa rin sa mga nirereklamo ng motorista kaya nagkakaroon ng trapik ay dahil sa kakulangan ng babala o signage sa mga ginagawang project ngayon. Halimbawa na lamang ay sa Intramuros na walang inilagay na babala na inaayos ang ilalim ng tulay ng MacArthur at Jones Bridge. Maraming motoristang galing Quiapo ang kumakanan sa ilalim ng MacArthur Bridge pero nabulaga sila dahil sarado pala iyon. Ganundin naman ang mga nagdaraan sa likod ng Post Office Building, nabulaga dahil sarado ang Jones Bridge. Dahil walang babala, maraming sasakyan ang nagbalikan na naging dahilan ng grabeng trapik.
Suspendihin na ng DPWH ang mga paghuhukay at pagre-repair para hindi magtrapik. Alisin ang mga sagabal. Halos sa kalsada na lamang nauubos ang oras ng mga tao dahil sa trapik. Alisin o hatakin naman ng MMDA ang mga sasakyang illegal na naka-parking sa mga gilid ng kalsada sapagkat dagdag pahirap sila sa mga motorista.
- Latest