EDITORYAL - Ihayag na ang kapalit ni Purisima
HINDI na makababalik sa puwesto si Philippine National Police (PNP) chief Dir. General Alan Purisima makaraang suspendihin ng Office of the Ombudsman noong Huwebes dahil sa maano-malyang courier service contract sa Werfast Documentary Agency noong 2011. Anim na buwan ang ipinataw na suspension kay Purisima dahil sa neglect of duty. Habang suspendido, hindi tatanggap ng suweldo si Purisima. Ibig sabihin, hindi siya susuweldo sa loob ng anim na buwan.
Pero hindi na masisindak si Purisima sa hatol ng Ombudsman sapagkat magre-retire na naman siya sa Marso 2015. Kaya ang hatol na anim na buwang suspension ay balewala na rin. Tatlong buwan na lamang siya sa puwesto.
Nang ibaba ang suspension kay Purisima ay wala siya sa bansa. Ayon sa report, nasa Saudi Arabia ang PNP chief. Hindi naman sinabi ang dahilan kung bakit nasa Saudi siya.
Kakatwa ang nangyayari kapag mayroong sumasabog na kontrobersiya kay Purisima --- lagi siyang wala sa bansa. Nang umalingasaw ang kanyang mansion sa Nueva Ecjia, wala rin siya sa bansa at nasa United States daw. Hindi siya makausap tungkol sa isyu ng kanyang mga ari-arian. Nang pumutok ang tungkol sa mga nanghulidap na pulis sa EDSA, wala rin siya sa bansa. Ang spokesman lamang ng PNP ang nagbibigay ng pahayag at dismayado ang taumbayan sapagkat tungkulin ng hepe ng pambansang pulisya na sagutin ang may kaugnayan sa mga nangyayari sa kanyang pinamumunuang organisasyon.
Ngayong sinuspinde na siya, tiyak na hindi na siya makapagsasalita at maaaring ito naman ang gusto niya. Sa ganitong sitwasyon, dapat nang ihayag ni President Noynoy Aquino ang kapalit ni Purisima. Hindi maganda na walang pinuno ang PNP. Kailangang magkaroon nang mahusay na pinuno ang PNP para mahango sa nasadlakang putikan. Masyadong mababa ang imahe ng PNP sapagkat ang mismong hepe ay sangkot sa kung anu-anong kontrobersiya. Pumili na sana nang mahusay na hepe.
- Latest