EDITORYAL - Patalsikin din ang iba pang nag-overspent
NAKAKATUWANG malaman na kumikilos ang Commission on Elections (Comelec) sa mga pulitikong gumastos nang malaki sa mga nakaraang elections. At isa sa mga nasampolan ay si dating Laguna Governor Emilio Ramon “ER” Ejercito na pinatalsik sa puwesto noong nakaraang taon. Ayon sa Comelec, gumastos si Ejercito ng P23 milyon gayung ang pinapayagan lamang gastusin nang bawat kandidato ay P4.5 million o P3 bawat botante. Sobra-sobra nga naman talaga ang ginastos ni Ejercito.
Noong Martes, ibinasura na ng Supreme Court ang petisyon ni Ejercito sa pagkaka-disqualify sa kanya ng Comelec. Sa botong 12-0, lubusan nang nagdesisyon ang kataas-taasang hukuman na alisin sa puwesto si Ejercito. Wala nang paghahabol pang magagawa.
Nang malaman ni Ejercito ang desisyon ng SC, wala raw umano siyang magagawa kundi sundin ito. Inamin naman ni Ejercito na muli siyang kakandidato sa 2016 elections para governor muli ng Laguna.
Sa pagkakaalis kay Ejercito dahil sa sobrang paggastos, maaaring magkaroon na ng aral ang mga pulitiko na huwag gumastos nang malaki at sumunod sa tinatadhana ng batas ukol sa elections. Hindi parehas ang kandidatong gumagamit ng sobra-sobrang pera para manalo sa elections.
Subalit dapat din namang batikusin ang Comelec sa mabagal na aksiyon sa pagpapatalsik sa iba pang kandidatong gumastos nang malaki. Isang taon na ang nakalilipas subalit iilan pa lamang ang mga kandidatong napapatalsik sa puwesto. Imagine ang kaso ni Ejercito ay noon pang 2010 at 2013 lang siya naalis sa puwesto. Paano ang mga nag-overspent noong 2013 elections?
Bilisan naman sana ang pagpapaalis sa mga pulitikong gumastos nang malaki at huwag piliin lamang ang gustong paalisin. Dapat walang kinikilingan. Patalsikin ang mga lumabag sa election code para hindi maparatangang may kinakampihan. Ipatupad kung ano ang naaayon at nakatadhana sa batas.
- Latest