EDITORYAL – Inalisan ng pangil ang FOI Bill
NAKALUSOT na sa House of Representatives Committee on Public Information ang consolidated freedom of information bill noong Lunes. Namayani ang botong 10 laban sa 3. Pero sa kabila na aprubado na ng Technical Working Group, marami ang hindi nasisiyahan sa pagkakaapruba ng FOI sapagkat may mga exceptions sa ilang Section ng panukala na magpapahirap din sa sinumang gustong makakuha ng kopya ng transaksiyon ng gobyerno o mga opisyal. Maski ang media at karaniwang mamamayan ay hindi rin magkakaroon ng access sa mga impormasyong kailangan nilang malaman.
Ano ba ito? Hindi pa man ganap na batas ay tila inalisan na agad ng pangil ang FOI at hindi rin mapapakinabangan ng mga nagnanais makialam sa ginagawa ng gobyerno, opisyal at ibang inihalal ng taumbayan. Sabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, isa sa mga tumutol sa botohan, parang binuhusan ng tubig ang FOI. Sa Seksiyon 7 ng panukala, nakasaad daw doon na madali lang i-withhold ng pamahalaan ang mga impormasyon na kailangan ng sinuman. Maaring makagawa ng paraan para hindi maka-access sa impormasyon ang gustong malaman ang nangyayari sa pamahalaan. Sabi ni Colmenares, iwi-withdraw niya ang authorship sa panukala at sa plenaryo na lang niya ipipilit ang amendment.
Nakadidismaya ang nangyari. Sa halip na magkaroon ng access ay lalo pa palang mawawalan ng pagkakataon ang mamamayan. Paano na ang nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad. Dapat malaman ng mamamayan kung ano ang ginagawang programa ng public officials para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo.
Matagal hinintay ang pag-usad ng FOI pero wala rin palang kahahantungan sapagkat inalisan na ng pangil bago pa makasakmal. Wala ring ipanlalaban sa mga corrupt na nagtatago ng yaman.
- Latest