^

PSN Opinyon

Hustiyang gumagapang

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

LIMANG taon na ang nakaraan nang maganap ang krimen na naglagay sa Pilipinas sa listahan ng mga pinaka peligrosong bansa para sa mga mamamahayag. Nobyembre 23, 2009 naganap ang Maguindanao massacre. At kahit nakakulong ang mga pangunahing suspek mula sa pamilya Ampatuan, kahit panay ang pahayag ng prosekyusyon na matibay ang kanilang kaso laban sa mga akusado, kahit panay ang pangako ng mga otoridad na mabibigyan ng hustisya ang 58 biktima, gumagapang ang kasong ito sa mga korte.

At ang masama pa, mga testigo na magbibigay sana ng karagdagang testimonya laban sa mga pangunahing akusado ay isa-isa nang permanenteng pinatahimik. Apat na testigo na ang napapatay. Marami pa kasing mga hindi pa nahuhuling mga tauhan ng mga Ampatuan na kasali sa pamamaril sa mga biktima. At malinaw rin na may kapangyarihan pa rin ang mga Ampatuan kahit nakakulong. Dito pa lang, tila patunay na sa sala ng mga suspek at tila ginagawa lahat para maabsuwelto sa krimen. Sa patuloy na pagpatay sa mga testigo, nagbibigay na rin ng mensahe ang mga kriminal sa mga gustong tumulong sa kaso, na maaari sila ang sumunod sa humahabang listahan ng mga patay.

Kung ganito na ang nangyayari, kailan pa makakamit ang hustiya? Kailan pa mapaparusahan nang husto ang mga may sala? Kung matibay na ang kaso, bakit napakabagal ng takbo? Habang tumatagal, tila nawawala na rin ang interes ng tao sa kaso. Sa kaso ng Ozone Disco, nakalimutan na nga ng marami ang trahedya, at naalala lamang nang lumabas ang desisyon, matapos ang 18 taon. Ganito rin ba ang hihintayin ng mga kapamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, o mas matagal pa?

Limang taon na ginugunita ng mga pamilya ng mga biktima ang pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay. Hindi madali para sa kanila ang nakaraang limang taon, at tila wala pa ring indikasyon na matatapos ang kanilang paghintay, o pagdusa. Nandyan na rin ang takot na baka sila naman ang maging target ng mga akusado. Lagi na lang talaga ang biktima ang kawawa. Sa lahat ng mga kasong nakabinbin pa rin sa mga korte, mas hirap ang mga inosente, kaysa sa mga may sala.

 

AMPATUAN

APAT

DITO

GANITO

HABANG

KAILAN

MAGUINDANAO

OZONE DISCO

RIN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with